May pag-asa pa bang mag-abroad kung may Hepatitis B?

Q: Ano po ba ang gamot sa Hepatitis B? May pag-asa pa ba na makapag-abroad ako?

A: Ang Hepatitis B ay isang virus na maaaring makuha sa iba’t ibang paraan, katulad ng pakikipagsex o kung nasalinan ka ng dugo na may Hepatitis B. Madali lang iwasan ang Hepatitis B sa pamamagitan ng bakuna na Hepatitis B vaccine, ngunit marami paring mga Pilipino ang apektado ng Hepatitis B.

Sa ngayon, walang gamot na maaaring magpa-alis ng Hepatitis B sa iyong katawan o magpababa ng level ng HbsAg para ikaw ay tawaging HbsAg negative – isang proseso na tinatawag rin na ‘seroconversion’. May mga makabagong gamot na maaaring ibigay upang masupil ang virus sa katawan, subalit napakamahal ng mga gamot na ito at walang kasiguruhan na ito ay gagana. Sa kabilang banda, may mga tao rin na kusang nawawala ang Hepatitis B as kanilang katawan ng walang iniinom na gamot.

Dahil requirement nga ang Hepatitis B test sa pagtatrabaho, at dahil marami tayong kababayan na hindi matanggap sa abroad dahil dito, maraming mga nag-aalok ng di-umano’y mga gamot para sa Hepatitis B. Kabilang na dito ang mga ‘alternative’ o ‘herbal’ na gamot. Sa ngayon, walang ebidensya na ang mga ito’y epektibo. Maging ma-ingat at huwag magpa-uto. Muli, walang gamot sa ngayon sa Hepatitis B maliban sa mga mamahaling gamot na hindi rin tiyak kung eepekto. Kung gusto niyong subukan ang mga gamot na ito, makipag-ugnayan sa inyong doktor.

Ngunit may “good news” tayo. Parami ng parami ang mga tao at bansa sa mundo na kinikilala na isang kamalian ang itakwil ang kapwa tao dahil lamang sa pagiging positibo sa HbsAg test o kaya sa Hepatitis B. Dumadami na ang mga bansa na ang patakaran ay hindi mag-discriminate o hindi tanggihan sa trabaho ang mga tao na may Hepatitis B. Ipagtanong at alamin kung aling mga bansa ay may ganitong mga patakaran.