Q: Doc. Yung baby ko 5 months old may ubo at sipon po sya at may prang pantal sa katawan nya. ginamot na namin ang ubo nya pero bumabalik parin anong gagawin ko?
A: Ang pagkakaroon ng ubo at sipon sa mga sanggol ay isang pangkaraniwang karamdaman, sa karamihan ng kaso, ito’y hindi naman dapat ikabahala. Hindi ko ring nirerekomenda ang pag-inom ng gamot sa kanya kung wala namang indikasyon upang gawin ito. Karamihan ng mga ubo’t sipon ay sanhi ng virus, nakakahawa ngunit nawawala rin ng kusa. Subalit marami ring ibang dahilan ang ubo sa mga sanggol, at mas maganda kung ipatingin mo sa doktor ang baby upang ma-examine nya ito.
Mga bagay na pwede mong gawin para siguraduhing ligtas ay iyong baby:
- Meron bang ubo ng ubo sa inyong pamilya? Dapat magpatingin sya sa doktor. Ang ubo na higit na sa ilang linggo ay posibleng TB, na syang nakakahawa rin sa mga bata.
- Kumpleto ba ang bakuna ng iyong baby? Siguraduhin ding regular syang nababakuhanan ayon sa mga rekomendasyon ng DOH. Ang ilan sa mga bakunang ito ay nakakatulong na makaiwas sa mga iba’t ibang uri ng sakit na may ubo.
- Maaliwalas ba at malayang nakakadaloy ang hangin sa inyong bahay? Ang mga alikabok, polusyon, usok, at iba pang mga bagay ay nakakairita sa baga ng mga sanggol, at maaaring maging sanhi ng ubong hindi gumagaling. Kung nakatira kayo sa isang lugar na maraming tao, dalhin ang baby sa isang lugar na maluwag at kung saan siya’y makakahinga ng malaya.
- Muli, iwasan ang pag-inom ng gamot kung ito’y pangkaraniwang ubo lamang. Huwag sanayin si baby sa iba’t ibang gamot, maliban na lang kung ito’y nireseta at talagang rekomendado ng inyong doktor.
- Wala ka bang mapatingnan na doktor? Nariyan rin ang mga health center at mga barangay health worker na pwede ninyong lapitan.
- Kahit mga doktor ay naniniwala sa mga payo ng matatanda, tungkol sa ubo’t sipon: Uminom ng maraming tubig at pagpahingahin ang sanggol.
- Siguraduhin ring regular at wasto ang kanyang nutrisyon. Ang breastfeeding o pagpapasuso ay mainam para sa mga sanggol hanggang dalawang taon.
Ang mga sumusunod ay mga bagay na dapat pagmasdan sa baby, at ang mga ito ay sapat na dahilan para magpatingin:
- Ubong hindi pa nawawala na mahigit na sa isang linggo
- Ubo na may kasamaang lagnat (38 degrees pataas)
- May “halak” o “huni” na parang hika
- Mukhang nahihirapan nang huminga o hinihingal ang baby
- Nagiging kulay asul ang baby kapag inuubo
Magpatingin sa inyong pediatrician o iba pang doktor upang matiyak ang kalalagayan ng inyong baby.