Ang paningin ay isang napakahalagang pandama na taglay ng bawat nilalang. Kung wala nito, magiging madilim ang pamumuhay. Kaya naman, marapat lamang na pangalagaan ang kalusugan nito. Ngunit sa ilang pagkakataon, ang kalusugan ng mata ay napapabayaan kung kaya’t dumadanas ng iba’t ibang mga problema sa mata tulad ng panlalabo ng paningin. Ang ilan sa mga bagay na maaaring makasama sa kalusugan ng mata ngunit malimit pa rin na gawin ng lahat ay ang sumusunod:
1. Pagkukusot ng mata.
Image Source: www.bondeye.com
Isa sa mahirap pigiling gawin lalo na kung ang mga mata ay nangangati ay ang pagkukusot ng mata. Bukod sa posibilidad ng pagkakaroon ng impeksyon mata kung sakaling ginamit ang mga daliri na hindi naman nahugasan, maaari ding masira ang maliliit na ugat ng ugo na matatagpuan sa mga talukap ng mata. Ito ang isa sa mga dahilan ng pangingitim ng ng paligid ng mga mata.
2. Hindi pagsuot ng sunglasses kapag lumalabas.
Image Source: unsplash.com
Ang paglabas sa kainitan ng araw nang walang suot na proteksyon sa mga mata ang isa sa mga pangunahing sanhi ng paghina ng mga mata. Maraming kondisyon sa mata kaya ng pagkakaroon ng katarata ay iniuugnay sa matagal at madalas na pagkakalantad sa mga ultraviolet (UV) ray na nagmumula sa araw.
3. Paninigarilyo.
Image Source: www.futurity.org
Sadiyang maraming masamang epekto ang paninigarilyo, hindi lamang sa baga kundi pati na rin sa kabuuang kalusugan ng katawan, kabilang na ang mga mata. Ilang pag-aaral ang nakapagpatunay sa kaugnayan ng paninigarilyo sa pagkakaroon ng mga serosong karamdaman sa mata tulad ng katarata, macular degeneration, uveaitis, at diabetic retinopathy. Sa katunayan, isang pag-aaral din ang nagsasabi na mas mataas nang apat na beses ang posibilidad ng pagkabulag sa mga naninigarilyo.
4. Kakulangan ng masusustansyang pagkain.
Image Source: www.freepik.com
Ang mga pagkaing may mataas na lebel ng Vitamin A gaya ng mga dilaw na prutas at gulay ay mahalaga sa pagmementena ng kalusugan ng mata. Kung magkukulang sa mga pagkaing ito, mas madaling kakapitan ng sakit ang mata at hindi malayong kaagad na lumabo ang paningin. Matatandaan na ang Vitamin A ang siyang kailangan ng katawan upang makagawa ng substansyang retinal na kinakailangan upang makakita.
5. Kakulangan ng sapat na tulog.
Image Source: unsplash.com
Ang mga mata na ginagamit ng husto kapag gising ay nangangailangan din siyempre ng pahinga. At ang pahinga na kinakailangan ng mga mata ay maaaring makuha lamang mula sa sapat na tulog. Ang kakulangan ng sapat na pahinga sa mata ay maaaring magresulta sa sa ilang mga kondisyon sa mata gaya ng panlalabo ng paningin.
6. Hindi pag-inom ng sapat na tubig.
Image Source: unsplash.com
Mahalaga rin ang tubig sa pagmementena ng kalusugan ng mata. Ang mga luha na nagpapanatiling basa ng mata at naglilinis ng mga dumi na pumapasok dito ay nagmumula sa iniinom na tubig. Kaya naman, mahalagang maiwasan ang dehydration o pagkawala ng tubig sa katawan lalo na sa panahon ng tag-init.
7. Hindi pagpapatingin sa doktor sa mata.
Image Source: www.freepik.com
Paminsan-minsan, kinakailangan din ang pagpapatingin ng kalagayan ng mata sa isang ophthalmologist o espesyalista sa mata. Makatutulong ito upang matukoy kaagad habang maaga pa kung may namumuong problema sa mata kahit wala pang nararamdaman. Mahalaga ito, lalo na kung nasa pamilya ang pagkakaroon ng sakit sa mata.