Mga Benepisyo ng Ultraviolet Radiation sa Kalusugan

Ang ultraviolet radiation (UV) ay isang uri ng ilaw na nagmumula sa araw at tumatama sa mundo. Ang katamtamang dami nito ay mahalaga sa kalusugan ng lahat ng nilalang sa mundo, ngunit kung mapapasobra, maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan ng balat, mata, at resistensya ng katawan.

Ano ang mabubuting epekto ng UV sa kalusugan?

Image Source: unsplash.com

Ang init ng araw ay kinakailangan ng maraming nilalang sa mundo upang mabuhay. Ito ay partikular sa mga halaman na umaasa sa sinag ng araw upang makabuo ng pagkain sa pamamagitan ng proseso ng photosynthesis. Ngunit sa mga tao at hayop, ang sinag ng araw ay tumutulong sa ilang paggana sa katawan gaya ng maayos na sirkulasyon ng dugo at produksyon ng Vitamin D sa katawan na kinakailangan naman sa pagbuo ng mga buto at pagpapalakas ng resistensya ng katawan.

Bukod sa mga pangunahing benepisyo ng UV sa kalusugan, maaari din itong makatulong sa ilang mga kondisyon gaya ng sumusunod:

  • Rickets. Ang karamdamang rickets ay nakaaapekto sa kalusugan ng mga bata na may mababang lebel ng Vitamin D sa katawan. Dahil dito, ang mga buto ay hindi nakatatanggap ng sapat na calcium kung kaya’t nagiging malambot ang mga buto. Ang sapat na pagbibilad sa ilalim ng araw ay mahalaga upang malunasan ang kakulangan sa Vitamin D.
  • Lupus vulgaris. Ang sakit na lupus vulgaris ay maaaring ituring na tuberculosis na nakaaapekto sa balat ng tao. Nagdudulot ang sakit na ito ng malalaking pagsusugat sa balat partikular sa mukha at leeg na karaniwang nararanasan sa panahon ng taglamig. Ang pagbibilad kasabay ng pag-inom ng mga antibiotic ang mabisang lunas laban sa sakit na ito.
  • Psoriasis. Ang psoriasis ay isa ring sakit na nakakaapekto sa balat ng tao kung saan nagkakaroon ng panunuyo, pagkakaliskis at pagtuklap ng balat. Ito ay isang uri ng autoimmune disease kung saan inaatake ng sariling resistensya ng katawan ang sariling mga cells. Isa sa mga panglunas sa sakit na ito ay ang tahasang pagpapatama ng UV light sa mga apektadong balat. Minsan pa, nireresetahan pa ng gamot na makatutulong sa balat na maging mas sensitibo sa sinag ng araw.
  • Vitiligo. Ang vitiligo ay isa pang sakit sa balat na nakaaapekto naman sa mga melanocytes, ang mga cell sa balat na nagbibigay ng kulay dito. Dahil dito, nagkakaroon ng puti-puting patse sa balat. Ang pagbibilad sa ilalim araw o PUVA therapy ang mabisang panglunas din sa kondisyong ito.

Sa kabila ng benepisyo at mabubuting epekto ng sinag ng araw sa kalusugan ng tao, ang masusing pag-iingat laban sa masasamang epekto mula sa sobrang UV ay dapat pa ring bantayan. Kinakailangang maging maagap hindi lamang sa mga simpleng kondisyon na maaaring makaapekto sa katawan gaya ng sunburn o bungang-araw, kundi pati na rin sa mga malalang sakit na maaaring makuha dito gaya ng kanser sa balat.