Mga dapat at hindi dapat gawin sa pagkawala ng boses

Ang pagkawala ng boses o pamamaos, o laryngitis sa terminong medikal, ay isang pangkaraniwang kondisyon na maaring maranasan ng kahit na sino. Ito ay dulot ng pamamaga ng larynx o voice box na siyang pinanggagalingan ng boses tuwing nagsasalita. Kadalasan, ang pamamaga ay dahil sa sobrang paggasasalita at paggamit ng boses, o kaya ay dahil sa pagkakaroon ng impeksyon sa lalamunan.

Bagaman kadalasan ay kusa namang gumagaling ang kondisyong ito, mas makabubuti pa rin kung iiwasan ang mga bagay na maaaring makapagpalala ng kondisyon at gawin naman ang mga bagay na makatutulong na mapadali ang paggaling.

Ano ang mga dapat gawin kung nawalan ng boses?

1. Uminom nang maraming tubig.

Image Source: unsplash.com

Regular na uminom ng tubig upang maiwasan na matuyo ang lalamunan. Mahalagang kasi na mapanatiling basa ang lalamunan upang hindi lumala ang kondisyon na nararanasan at mabapilis ang paggaling. Makabubuti rin kung maligamgam na tubig ang iinumin. Basahin ang kahalagahan ng pag-inom ng tubig araw-araw: Kahalagahan ng pag-inom ng tubig.

2. Uminom ng tsaa na may kalamansi.

Image Source: vietnamfruits.com.vn

Mabuti rin para sa lalamunan ang pag-inom ng mainit na tsaa na mayroong kalamansi. Hindi rin ito dapat masyadong mainit o masyadong malamig. Alamin ang benepisyo ng pag-inom ng tsaa: Benepisyo ng pag-inom ng tsaa.

3. Uminom ng kalamansi juice.

Image Source: www.panlasangpinoyrecipes.com

Ang katas ng kalamnsi ay makatutulong na maparami ang produksyon ng laway sa bibig at lalamunan. Ang laway ay makabubuti para maiwasan din ang panunuyo ng lalamunan. Basahin ang mabubuting epekto ng kalamansi sa kalusugan: Halamang Gamot Kalamansi.

4. Magmumog ng tubig na may asin.

Image Source: www.medicalnewstoday.com

May mabuting epekto naman ang pagmumumog ng maligamgam tubig na may kaunting asin para mapabuti ang kondisyon na nararanasan. Bagaman iwasan na maging sobrang alat ng tubig sapagkat maaari lamang itong makapagpalala ng kondisyon.

5. Magsalita lamang nang marahan

Image Source: unsplash.com

Ipagpatuloy lamang ang pagsasalita ngunit panatilihin itong marahan, malumanay at mahina lang.

 

Ano ang mga bagay na dapat iwasan kung nawalan ng boses?

1. Pagbubulong

Image Source: unsplash.com

Ang pagbubulong ng mga salita ay maaaring makapagpagrabe din ng kondisyon. Hayaang makapagsalita nang normal ngunit mahina at marahan lamang.

2. Sobrang pagsasalita.

Image Source: unsplash.com

Hanggat kaya, huwag na lamang magsalita upang hindi na mapagod pa ang vocal cords at mas mapabilis ang paggaling nito. Magsalita na lamang kung talagang kinakailangan.

3. Paninigarilyo

Image Source: unsplash.com

Ang paninigarilyo ay may masamang epekto sa kalusugan, lalo na sa vocal cords na may pamamaga. Maaaring mairita ang lalamunan kung makakalanghap ng usok mula sa sigarilyo at mas lalong lumala lamang ang kondisyon. Alamin ang masasamang epekto sa kalusugan ng palagiang paninigarilyo: 10 Dahilan para itigil ang paninigarilyo.

4. Pag-inom ng alak

Image Source: www.telegraph.co.uk

Ang mga inuming may alkohol ay maaaring makatuyo nang lalamunan at makapagpagrabe lamang ng kondisyon. Basahin din ang masasamang epekto sa kalusugan ng sobrang pag-inom ng alak: Mga sakit na makukuha sa pag-inom ng alak.

5. Mga gamot na maaaring makatuyo ng lalamunan

Image Source: www.freepik.com

May ilang uri ng gamot na maaaring may side effects na nakakatuyo ng lalamunan na makakapagpagrabe lamang din ng kondisyon. Kabilang dito ang ilang uri ng antihistamine at diuretics. Tiyakin muna sa doktor kung ang gamot na iinumin ay makatutulong sa paggaling ng boses.