Ang pagkokombulsyon ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng abnormal at matinding panginginig ng buong katawan. Maaaring bunga ito ng pagkakaroon ng mataas na lagnat, pagkakalason, matinding pagtama ng ulo sa matigas na bagay, matinding impeksyon sa katawan, o pag-abuso sa alak at droga. Ang pagkakaranas nito, lalo na kung unang beses, ay maaaring mangailangan ng agarang atensyong medikal (medical emergency).
Ang pagkakaranas ng kombulsyon ay maaaring magdulot ng mga sumusunod na sintomas:
- Matinding panginginig ng buong katawan
- Pagkakapos ng hininga
- Pag-aasul ng kulay ng balat
- Pagkawala ng malay
- Pagtirik ng mata
Habang hinihintay ang pagdating ng tulong-medikal, narito ang ilang mga paunang lunas (first aid) na dapat gawin:
- Pahigain sa lapag ang pasyenteng dumaranas ng pagkokombulsyon.
- Ilayo ang mga matitigas na bagay sa paligid na maaaring makasakit sa pasyente kung sakaling matamaan.
- Lagyan ng unan ang ulunan ng pasyente.
- Luwagan ang damit ng pasyente: alisin ang butones sa kwelyo at luwagan ang sinturon ng pantalon.
- Iposisyon nang maayos ang pasyente kung sakaling magsuka. Ipwuesto nang nakatagilid upang hindi mabilaukan.
Habang isinasagawa ang first-aid, tandaan rin ang mga “hindi dapat gawin” sa pasyente::
- Huwag pipigilan ang mga paggalaw ng katawan ng pasyente
- Huwag umalis sa tabi ng pasyente hanga’t hindi pa dumadating ang tulong-medikal o nanunumbalik ang ulirat.
- Huwag magpapa-inom o magsusubo ng kahit ano sa bibig ng pasyente hanggat hindi nanunumbalik ang malay-tao