Mga Epekto sa Kalusugan ng Pagkain ng Taho

Ang taho ay bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng maraming Pilipino. Ito ay isang sikat na pagkaing Pinoy na yari sa pinaghalo-halong maputing taho (malambot na tokwa),  matamis na arnibal, at sago. Minsan pa, hinahaluan din ito ng iba pang sangkap depende sa lugar kung saan ito mabibili, tulad nalang ng strawberry sa Baguio.

Ngunit alam niyo ba na ang pagkain nito nang regular ay maaaring may mabuti at masamang epekto sa kalusugan ng tao? Tunghayan sa Kalusugan.Ph ang mga epekto ng regular na pagkain ng taho.

Anong mga sustansya ang taglay ng taho?

Ang maputi at malambot na taho, gaya rin ng ibang produkto na nakukuha mula sa pagpoproseso ng mga buto ng soya, ay mayaman sa protina, calcium, at iron. Taglay din nito ang ilang mga bitamina gaya ng Vitamin A, B1, at B4, gayundin ang ilan pang mahahalagang mineral gaya ng phosphorus, potassium, manganese, magnesium, selenium, at zinc. Ang arnibal na hinahalo sa taho ay maari ding makuhanan ng calories na kinakailangan ng katawan bilang enerhiya.

Anong benepisyo ng taho sa kalusugan?

Image Source: www.unileverfoodsolutions.com.ph

Ang regular na pagkain ng taho ay maaaring makatutulong sa ilang kondisyon sa katawan at mkapagbigay ng ilang benepisyong pangkalusuga . Kabilang dito ang sumusunod:

  • Mas mababang cholesterol sa katawan. Kung ang pang-araw-araw na pangangailangan sa protina ay kukunin sa taho, imbes na sa mga karne, mas bumababa ang lebel ng masamang cholesterol na nakakapasok sa katawan. Ang mga masasamang cholesterol kasi ay karaniwang nakukuha sa pagkain ng mga matatabang karne. Siyempre pa, ang pagbaba ng cholesterol sa katawan ay mabuting hakbang sa pag-iwas sa mga karamdaman sa puso, altapresyon, at stroke. Basahin ang kaalaman tungkol sa mga cholesterol sa katawan: Ang masama at mabuting cholesterol.
  • Mas maliit na posibilidad ng pagkakaroon ng Kanser. Taglay ng mga produktong mula sa soya ang genistein, isang uri ng antioxidant na pumipigil sa pagkalat ng kanser sa katawan. Mas mababa nang 25% ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa mga taong regular na kumakain ng produktong mula sa soya gaya ng taho at tokwa.
  • Pag-iwas sa osteoporosis. Ang mataas na lebel ng calcium sa taho ay makatutulong nang husto sa pagsusuplay ng mahalagang mineral sa katawan. At ang sapat na suplay ng calcium sa katawan ay nakakapagpababa sa posibilidad ng pagkakaroon ng osteoporosis o pagrupok ng mga buto. Basahin ang mga paraan ng pag-iwas sa osteoporosis: Paano makaiwas sa osteoporosis?
  • Paglilinis ng atay. Ilang pag-aaral din ang nagsasabing natutulungan ng mga sustansyang nakukuha mula sa taho ang paglilinis sa atay na sinisira ng free radicals. Alamin iba pang pagkain na makatutulong sa paglilinis ng atay: 10 pagkain na mabuti para sa atay.
  • Pag-iwas sa pagkasira ng memorya. Napatunayan na din ng ilang mga pag-aaral na ang isang populasyon na regular na kumokonsumo ng mga produktong yari sa soya ay may mas maliit na posibilidad ng pagkakaroon ng mga sakit sa utak na may kaugnayan sa pagtanda gaya ng pagiging malilimutin.

Ano naman ang masasamang epekto nga taho sa kalusugan?

Sa kabila ng mga sustansya at benepisyong pangkalusugan na makukuha sa taho, hindi pa rin 100% na aprubado ng Department of Health ang basta-bastang pagbili nito sa mga magtataho. Dapat daw munang busisiin nang husto kung malinis nga ba ang taho, ligtas ba ang paraan ng pagpoproseso dito, at bago at sariwa ba ang mga sangkap na ginamit sa paggawa nito. Bukod pa rito, ang matamis na arnibal na hinahalo sa taho, kung mapapasobra, ay maaaring makasira ng timbang at makasama sa mga taong may sakit na diabetes.