Sa panahon ngayon, ang “pre-marital sex” ay mistulang nagiging karaniwan na lamang at hindi na nagiging isyung panlipunan. Laganap ito sa mga kabataang mapupusok at “curious” sa pakikipagtalik. Dahil dito at sa kakulangan ng kaalaman, dumadami rin ang kaso ng hindi planadong pagbubuntis. At dahil nga ito ay pinakalaganap sa mga kabataan, na kadalasan ay hindi pa handa sa hamon ng pagiging magulang, nauuwi ang ilan sa mga ito sa pagpapalaglag ng bata.
Ang pagpapalaglag o aborsyon ay isang kontrobersyal na isyu hindi lamang sa lipunan kundi sa medisina. Sa ilang bansa, ito ay ligal at maaring isagawa sa ospital lalo na kung maaaring manganib ang buhay ng ina kung itutuloy ang pagbubuntis. Habang sa Pilipinas naman, ito ay ipinagbabawal sa batas at maituturing na isang criminal offense tulad ng pagpatay ng isang tao (murder). Ang pagpapalaglag o aborsyon, bukod sa pagiging iligal, ay matinding hinaharang ng simbahan, at isa ring hindi katanggap-tanggap na gawain sa lipunan.
Dahil nga ito ay iligal sa bansa, isinasagawa ito ng ilan na pailalim. Maaaring ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagsundot mismo sa matres ng ina o kaya ay sa pag-inom ng ilang gamot na pampalaglag. Ang mga gawaing ito, lalo na’t walang medikal na gabay, ay hindi ligtas at maaaring makasama sa kalusugan ng ina. Narito ang ilan sa mga gamot na kadalasang ginagamit bilang pampalaglag ng bata.
Misoprostol (Cytotec)
Ang cytotec ay isang gamot na inirereseta para pigilan ang pagdurugo ng sikmura dahil sa sakit na ulcer. Sa kabilang banda, ito ay madalas na ginagamit ng ilan para ilaglag ang pagbubuntis. Sa ibang bansa, ito ay ligal na ginagamit sa mga ospital kasabay ng mifepristone upang itigil ang pagbubuntis.
Carboprost (Hemabate)
Ang carboprost ay gamot na ginagamit ng ilang ospital para tuluyang itigil ang pagbubuntis. Ito ay tinuturok sa laman at nagdudulot ng contractions sa kalamnan ng uterus ng ina na humahantong sa pagkalaglag ng bata.
Dinoprotone (Prepidil)
Ang gamot na dinoprotone ay inirereseta upang tulungan ang ina na palakihin ang pagbuka ng kuwelyo ng matres (cervix) sa panahon ng labor bago manganak. Kaya naman, ginagamit din ito ng ilang ospital upang sadyain ang panganganak kahit hindi pa kabuwanan. At ito ay nagreresulta sa pagkalaglag ng bata.
Mifepristone (Mifeprex)
Ang mifeprostone ay isang gamot na pampalaglag ginagamit sa mga unang 49 na araw ng pagbubuntis. Hinaharang ng gamot na ito ang suplay ng hormones patungo sa matres sa mga unang araw ng pagbubuntis. Dahil dito, hindi na natutuloy pa ang pagbubuntis. Minsan ay ginagamit din ito para sa ilang kaso ng pagtaas ng asukal sa dugo (hyperglycemia) sa mga taong may Cushing’s syndrome.
Oxytocin (Pitocin)
Ang gamot na oxytocin ay ay ginagamit para tulungan ang pag-labor ng ina na manganganak at kontrolin ang pagdurugo matapos manganak. Maaari itong magdulot ng pagkalaglag ng bata kung gagamitin na walang gabay ng doktor.