Mga gamot na mabuting mayroon sa bawat tahanan

Ang pagkakasakit ng bawat miyembro ng pamilya, lalo na sa mga bata, ay hindi nawawala. Panapanahon, dumarating at nakaaapekto ang mga karaniwang sakit gaya ng sipon, ubo, lagnat, at mga pananakit sa katawan. Kaya naman, praktikal lamang ang pagtatabi ng ilang gamot na makalulunas sa mga ito, lalo na kung biglaang mangailangan at hindi agad makakapunta sa butika.

Ang mga gamot para sa mga karaniwang sakit ay kadalasan namang nabibili na over-the-counter sa mga butika. Ibig sabihin, hindi ito nangangailangan ng reseta ng doktor. Sa kabila nito, may ilang mga bagay na dapat tandaan kung mag-iimbak ng mga gamot sa bahay:

  • Siguraduhing bago ang mga gamot. Alalahanin ang mga petsa kung kailan mapapaso o mae-expire ang mga gamot na nakatabi sa bahay. Sa oras na mapaso ang gamot, agad itong itapon at palitan ng bago.
  • Ilayo sa maaabot ng mga bata. Ang mga bata ay sadyang makulit at maaaring isubo ang mga gamot na maaabot sa pag-aakalang ito ay mga kendi. Ito ay delikado at dapat maaagapan.
  • Lagyan ng tamang label ang mga gamot. Upang maiwasan ang pagkalito, tiyaking may tamang label ang mga gamot. Ilagay kung para saan ito at tandaan kung paano ito gagamitin.
  • Itago sa tamang taguan ang mga gamot. Siguraduhing hindi mabibilad sa araw o mababasa ang mga tableta, kapsula at iba pang tuyong gamot, habang ang mga likidong gamot naman na nakabote ay ilagay sa loob ng refrigerator.
  • Basahin ang direksyon ng pag-inom na nakalagay sa pakete. Kinakailangang maalam kung paano iinumin o gagamitin ang gamot. Tandaan kung gaano karami ang gamot na iinumin, kung anong mga oras dapat inumin ang gamot, at kung ano ang mga bagay na dapat iwasan habang naggagamot.

Ang mga gamot na mabuting mayroon sa bawat tahanan ay ang sumusunod:

1. Gamot para sa pananakit at lagnat (Paracetamol)

Ang paracetamol, gaya ng Biogesic at Tempra, ay mabisa para maibsan ang mga pananakit na nararamdaman, at mapababa ang mataas na lagnat. Sinasabi rin na walang side effects ang gamot na ito kung iinumin nang tama at naaayon sa payo ng doktor.

2. Gamot para sa pananakit at pamamaga (Anti-inflammatory Pain killers)

Ang mga gamot na painkillers, gaya ng aspirin, ibuprofen, naproxen at mefenamic acid, ay makatutulong para maibsan o mapahupa ang pamamaga at pananakit na nararanasan sa katawan na maaaring dulot ng migraine, dysmenorrhea, pananakit ng mga kalamnan sa likod, rayuma, pati na ang pananakit ng ngipin.

3. Gamot para sa allergy (Antihistamine)

Hindi rin maiiwasan ang pagkakaroon ng allergy sa ilang miyembro ng pamilya, kung kaya mainam na may nakahandang gamot na antihistamine na pangontra sa ilang sintomas na maaaring maranasan dahil dito. Kabilang sa mga sintomas na maaaring malunasan ng antihistamine ay ang pagtulo ng sipon, pagluluha, pagpapantal ng balat, pangangati ng balat at walang humpay na pagbahing. Halimbawang gamot dito ay ang Benadryl.

4. Gamot para pangangasim ng sikmura (Antacid)

Ang mga kondisyon gaya ng kabag, impatso at pananakit ng sikmura ay kadalasang dulot ng pangangasim ng tiyan mula sa pagtaas ng asido dito (hyperacidity). Ang mga gamot na antacid, gaya ng Kremil-S, ay makatutulong para maibsan ang mga ganitong kondisyon.

5. Gamot para sa pagtatae (Antidiarrheal)

Madalas ding makaranas ng mga pagtatae, marahil ay dahil sa maduming pagkain na nakain. Kung kaya, mainam na may nakahanda rin na gamot para dito gaya ng loperamide.

6. Gamot para sa sipon (Decongestant)

Ang pagbabara ng ilong dahil sa sipon ay isa sa mga pinakakaraniwang karamdaman na nararanasan ng bawat tao. Upang guminhawa o mapalabas ang sipon na bumabara sa daluyahn ng hangin sa ilong, maaaring kailanganing gumamit ng mga gamot na decongestant gaya ng Neozep at Decolgen.

7. Gamot para sa ubo (Expectorant at Suppressant)

May dalawang uri ng gamot para sa ubo na madaling mabibiling over the counter sa mga butika. Una ay ang gamot na expectorant na nakapagpapaginhawa sa pag-ubo sa pamamagitan ng pagpapalabas ng plema. Ang ikalawa ay ang suppressant na nakapgpapaginhawa naman sa pamamagitan ng pagpigil sa produksyon ng karagdagang plema. Halimbawa ng gamot para sa ubo ay ang carbocisteine na isang expectorant.

8. Gamot na panlinis sa mga sugat (Antiseptics)

Mahalagang maagapan ang impeksyon sa mga sugat na maaaring matamo sa katawan, kaya makabubuting may nakahanda ring antiseptics sa bahay. Kabilang sa mga karaniwang anticeptics na makikita sa bahay ay ang alcohol, betadine solution, agua oxigenada at boric acid.