Ang pagiging obese o pagkakaroon ng sobrang timbang ay isang isyung pangkalusugan na kinakaharap ng maraming mga Pilipino. Bukod sa pagiging mas lapitin ng mga sakit, ang pagigiging mataba ay kadalasang nakaaapekto rin kompyansa sa sarili ng isang indibidwal. Kaya naman, hindi nakakagulat na marami ang nahuhumaling sa mga gamot at inuming pampapayat na mabilis daw umepekto ayon sa mga nakikitang patalastas. Pero ang tanong, ligtas nga bang gamitin ang mga ito at tiyak bang epektibo?
Ang mga gamot na pampapayat ba ay epektibo?
Sa totoo lang, walang madali o short-cut na paraan sa pagpapapayat, maliban na lang kung gagastos ka ng napakalaki para sa ilang pamamaraang medikal tulad ng liposuction. Ang pinakamainam at epektibong paraan pa rin ng pagpapapayat ay ang malusog na pamumuhay. Kabilang dito ang balanseng pagkain, pati na ang regular na pag-eehersisyo. Ang mga gamot na pampapayat na nakikita sa mga patalastas sa telebisyon ay pawang tulong lamang sa pagpapapayat, at hindi talaga direktang nakakabawas ng timbang. Sa madaling salita, kahit gaano pa karaming gamot at mga inuming pampapayat ang gamitin, kung hindi naman sasabayan ng regular na pag-eehersisyo at pagkontrol sa pagkain, wala rin o kakaunti lamang positibong epektong kahihinatnan.
Ang mga gamot na pampapayat ba ay ligtas?
Dahil kakaunti lamang at hindi sapat ang mga pag-aaral na isinasagawa ukol sa mga gamot na pampapayat, hindi masasabing ganap na ligtas ang paggamit ng mga gamot na ito. Dapat ding alalahanin na bagaman nakalagay ang katagang “clinically proven” sa mga patalastas at pakete ng mga gamot na ito, hindi pa rin masasabing ligtas ang mga ito hanggat wala namang sumusuportang pag-aaral dito.
Upang makasiguro, kumunsulta muna sa doktor bago bumili ng gamot na pampapayat, lalo na kung may ilang karamdaman o kondisyon gaya ng pagbubuntis.