Mga gawaing nakakapagpahina ng resistensya ng katawan

Ang resistensya ng katawan o immune system ang siyang responsable sa pagtatag ng depense ng katawan laban sa iba’t ibang mikrobyo at organismo na nagdudulot ng karamdaman. Sa tulong nito’y nahaharang ang impeksyon ng bacteria, virus at mga parasitiko at pinapabagal ang pagdami at progreso nito sa loob ng katawan. Kung may matatag na resistensya, hindi basta-bastang magkakasakit.

Ngunit sa kasamaang palad, ang resistensya ng katawan ay humihina nang hindi natin namamalayan dahil sa ilang mga gawaing nakasanayan na.

1. Madalas na pagpupuyat

Ang sapat na tulog ay may koneksyon sa paglakas o paghina ng immune system ng katawan. Kapansin-pansin na ang mga taong palaging nagkukulang sa tulog ay may mas mababang resistensya at madaling makapitan ng mga nakakahawang sakit tulad ng sipon, ubo o trangkaso. Lumalabas din sa mga pag-aaral na ang mga taong may kumpletong tulog na nakatanggap ng vaccine ay nakabubuo ng mas malakas na uri ng immunity para sa sakit. Basahin ang iba pang masasamang epekto ng kakulangan sa pagtulog: Masasamang epekto ng kulang sa tulog.

Image Source: cbsnews.com

2. Kawalan ng aktibong pamumuhay

Ang kawalan ng aktibong pamumuhay ay nakakapagpabagal sa bilis ng metabolismo ng katawan. Ito ay nagreresulta naman sa pagbagal din ng pag-agos ng mahahalagang sustansya na kinakailangan sa pagpapalakas ng immune system ng katawan. Basahin ang ilang mga alternatibong paraan ng pag-eehersisyo: Alternatibong paraan ng pag-eehersisyo.

3. Madalas na pag-iisa

Ang mga taong madalas napapag-isa ay bibihirang makaranas ng stress, at dahil dito, ang kaniyang immmune system ay bumabagsak. Ito ay pinatunayan ng isang pag-aaral na kung saan ang isang tao na namumuhay nang mag-isa ay may mas maliit na resistensyang sa sakit kumpara sa mga taong may mga kasama sa bahay.

Image Source: thoughtco.com

4. Madalas na kalungkutan

Napag-aralan na din na ang maya’t mayang kagalakan ay nakakaapekto sa lebel ng stress hormones at dami ng white blood cells sa dugo na aktibong lumalaban sa iba’t ibang uri ng impeksyon sa katawan. Kung mapapadalas naman ang kalungkutan, kabaligtaran ang mararanasan.

5. Madalas na pagkakaranas ng stress

Ang stress ang isa sa mga nagpapabagsak ng immunse system sa katawan ng tao, lalo na kung ito ay tatagal nang mahabang panahon. Ang matagalang stress o chronic stress ay nakakapagpataas sa lebel ng stress hormones sa katawan, at ang pagtaas na ito naman at napababa sa lakas ng resistensya. Alamin ang iba pang masasamang epekto ng stress sa ating kalusugan: Masasamang epekto ng stress.

Image Source: roberthalf.com

6. Walang kontrol na pag-inom ng antibiotic

Ang kawalan ng kontrol sa pag-inom ng antibiotic ay pagsasabotahe sa immune system ng katawan. Dahil kasi dito, maaaring makabuo ng resistensya sa gamot ang mga mikrobyo at organismo at mas lalo lamang silang lalakas laban sa immune system ng katawan.

7. Paninigarilyo

Ang paninigarilyo ay isa ring paraan ng pagpapabagsak ng resistensya ng katawan. Hindi na bago sa kaisipan ang masasamang epekto ng sigarilyo sa kalusugan, mula sa pagkakaroon ng malulubhang sakit sa baga, hanggang sa paglala ng sakit na diabetes at sakit sa puso. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, ang usok na hinihithit ay nagpapabagsak  din sa resistensya ng katawan laban sa mga impeksyon. Ay panganib na ito ay hindi rin nawawala sa mga taong naninirahan kasama ang mga naninigarilyo at nakakatanggap ng second hand smoke. Basahin ang masasamang epekto ng paninigarilyo sa kalusugan: 10 Dahilan para itigil ang paninigarilyo.

Image Sourcec: news.abs-cbn.com

8. Pagkakalantad sa polusyon

Bumabagsak din ang resistensya ng katawan sa tuwing makakalanghap ng polusyon mula sa mga tambutso ng sasakyan at mga usok ng pabrika. Pinapababa nito ang bilang ng white blood cells na magdedepensa sa katawan sa panahon na may impeksyon.

9. Pag-iwas sa masusustansyang pagkain

Paanong lalakas ang resistensya ng katawan kung hindi naman kakain ng masusustansyang pagkain na kanilang kinakailangan? Kung hindi balanse ang kinakain sa araw-araw at nananatiling sa mga junk food at mga pagkaing fast food, tiyak na babagsak sa resistensya ng katawan.

Image Source: storymaps.arcgis.com

10. Sobrang pag-inom ng alak

Ang alak, lalo na kung mapapasobra, ay nagiging lason sa katawan. Mas madaling kakapitan ng sakit kung ang katawan ay palaging nabababad sa alak. Alamin ang masasmang epekto ng sobrang alak sa kalusugan: Mga sakit na makukuha sa sobrang pag-inom ng alak.