Mga hakbang para hindi agad mapagod ang mata

Ang mga mata ay palagi nating ginagamit sa lahat ng oras na tayo ay gising. Gamit natin ito sa lahat ng kilos na ating ginagawa, kahit gaano pa ito ka-simple o ka-komplikado.

Ngunit dapat alalahanin na ang mga mata ay napapagod din. Kung mangyari iyon, maaaring mamula at magluha ang mga mata, at makaramdam din ng pananakit sa mga kalamnan sa paligid ng mata.

Image Source: www.freepik.com

Upang maiwasang mapagod ang mga mata at makaranas ng eyetrain, maaaring sundin ang mga sumusunod na hakbang.

1. Maglaan ng katamtamang ilaw sa paligid

Laging ilagay sa katamtaman lamang ang lakas ng ilaw sa paligid. Ito’y sapagkat maaaring masilaw ang mga mata kung malakas masyado ang ilaw, at mabilis naman na mapagod ang mga mata kung madilim.

2. Gumamit ng salamin kung malabo ang mata

Huwag pipiliting magbasa o gamitin ang mga mata kung malabo na ang paningin. Lalo lamang mahihirapan ang mga mata at maaaring mas lumala pa ang kondisyon kung ito ay ipipilit. Mabuting gumamit ng salamin na nararapat sa sukat o grado ng mata.

3. Pahingahan ang mata

Hindi masamang pahingahan nang ilang minuto o isang oras ang mga mata kung nababad na ito sa pagbabasa o pagtatrabaho sa harap ng kompyuter sa loob ng mahabang oras. Maaaring maglakadlakad lang muna sa labas, kumain o gumawa ng ibang gawain na hindi kakailanganin nang husto ang pagtatrabaho ng mata.

4. Laging kumurap

Ang pagkurap ay ang natural na paraan ng mata para maiwasan ang panunuyo nito. Gawin ito maya’t maya  at huwag na huwag pipigilin.

5. Gumamit ng eye drops

Patakan ang mata ng eye drops o eye lubricant na mabibiling over-the-counter sa mga pamilihan. Makatutulong ito na maiwasan ang iritasyon pagkapagod na dulot ng matagal na paggamit ng mga mata.

6. Huwag direktang itapat ang mga babasahin sa ilaw

Kung magbabasa ng diaryo, libro, o anumang babasahin, huwag itong itatapat nang direkta sa ilaw. Mas madaling mapapagod ang mga mata sa ganitong paraan ng pagbabasa.

7. Kung nakakaramdam na ng pagkapagod sa mata, ilubog ang mata sa malamig na tubig

Pinaniniwalaan ng ilan na ang panandaliang paglubog ng pagod na mata sa malamig na tubig, o kaya naman ang pagpunas ng basang bimpo sa mukha ay makatutulong para maibsan ang eyestrain na nararanasan.

8. Umiwas sa mga mausok na lugar

Ang mga usok mula sa mga tambutso ng sasakyan at mga sigarilyo na hinihithit ng ibang tao ay makadaragdag ng iritasyon sa mga mata at mapapabilis ang pagkapagod na mararanasan. Umiwas sa mga lugar na mausok lalo na kung gagamitin nang husto ang mga mata.