Mga kaalaman tungkol sa Appendicitis

Ang appendicitis ay ang kondisyon kung saan namamaga ang appendix, ang tatlong pulgada na nakadugtong sa bahagi ng bituka. Ang pamamagang ito ay tinuturing na emergency o nangangailangan ng agarang atensyon, dahil kung hindi, may posibilidad na ito ay pumutok at makaapekto sa iba pang bahagi ng katawan. Sa kaso naman ng pumutok na appendix, nangangailangan ito ng matindi at agarang gamutan upang maiwasan ang impeksyon sa ibang bahagi ng tiyan. Kung mapapabayaan, maaari itong makamatay.

Ano ang sanhi ng Appendicitis?

Nagaganap ang pamamaga ng appendix kapag ito ay nabarahan ng dumi, o kaya naman ng ibang bagay na dumadaan sa bituka. Maaari din itong mamaga dahil sa pagbara na dulot ng tumor o cancer. Ang anumang impeksyon ay maaari din magdulot ng pamamaga sa appendix.

Ano ang mga komplikasyon na maaaring mangyari mula sa Appendicitis?

Ang komplikasyon ay maaaring maranasan kapag ang pamamaga ng appendix ay hindi naaagapan at ito ay pumutok. Ang pumutok na appendix ay maaaring may mga nana na kapag dumikit sa ibang bahagi ng tiyan ay magdudulot ng impeksyon. Ang impeksyon sa iba pang bahagi ng tiyan ay tinatawag na peritonitis, isang seryosong kondisyon na nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Kailangan itong magamot sa lalong madaling panahon dahil maaari itong makamatay.