Ang alakdan (scorpion) at alupihan (centipede) ay mga hayop na kabilang sa grupo ng Arthropoda na may kakayahang maglabas ng lason sa pamamagitan ng kagat o tusok (sting) mula sa buntot. Ang kakaunting lason na kayang maipasa ng mga ito ay kadalasang hindi naman talaga nakasasama o nakaaapekto lalo na sa isang taong may malusog na pangangatawan, ngunit sa mga bata, ito ay maaaring makapagdulot ng ilang sintomas gaya ng pamamaga at matinding pananakit ng bahaging kinagatan o natusok, o kaya naman ay lagnat.
Bakit nararanasan ang pananakit sa kagat ng alupihan o alakdan?
Ang lason o venom na nagmumula sa kagat o tusok ng buntot ng mga hayop na ito ay maaaring makaparalisa sa mga maliliit na hayop gaya ng daga o iba pang maliliit na insekto. Ito ang kanilang mabisang pandepensa sa mga kalaban o kaya’y panghuli ng kanilang pagkain. Ngunit para sa tao, maari lamang itong magdulot ng pamamga o kaya ay lagnat. Ang lason o venom na taglay ng mga hayop na ito ay binubuo ng komplikadong protina at iba pang substansya na umaatake sa nervous system ng katawan.
Nakamamatay ba ang lason ng alupihan at alakdan?
Kung sa maliit lamang na dami, ang lason mula sa alakdan o alupihan ay nakapagdudulot lamang ng pamamaga at pananakit sa bahaging kinagatan o tinusok, o kaya naman ay lagnat. Ngunit kung ang lason na pumasok sa katawan ay marami, maaari itong makamatay.