Ang pagiging anak-araw, o albinism sa terminong medikal, ay isang karamdamang genetiko na nakaaapekto sa kakayanan ng balat na maglabas ng melanin. Ang melanin ay ang nagbibigay kulay sa balat at mata at nagsisilbing proteksyon mula sa sinag ng araw. Dahil nga sa kakulangan ng melanin sa balat, ang mga taong anak-araw ay may napaka-puting balat, madilaw na buhok at kadalasang sensitibo ang balat sa araw. Ang pagiging anak-araw ay nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa balat.
Ano ang sanhi ng pagiging anak-araw?
Ang pagiging anak-araw ay isang halimbawa ng mutation, o pagbabago sa genes ng isang tao. At ang pagbabagong ito ay nakaaapekto sa produksyon ng melanin na nagmumula sa mga melanocytes na makikita naman sa balat at sa mata. Kinakailangang mamana ng anak ang isang pares ng genes na may pagbabago (mutated genes) mula sa ina at ama bago siya maging isang ganap na anak-araw.
Sino ang maaaring makaranas ng kondisyon na ito?
Dahil kinakailangan makakuha ng isang pares ng mutated genes mula sa parehong magulang, ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon ay nagaganap lang sa mga taong may magulang na parehong may kasaysayan ng pagiging anak-araw sa kanilang pamilya. Ang sakit na ito ay namamana lamang at hindi makakahawa.
Ano ang mga komplikasyon ng pagiging anak-araw?
Ang mga komplikasyon sa pagkakaroon ng albinism ay kadalasang konektado sa mga sakit sa balat gaya ng madalas na pagkasunog ng balat o sunburn, pati na ang skin cancer. Ngunit bukod dito, madalas din makaranas ng problemang emosyonal ang mga taong anak-araw dahil nga sa kanilang kakaibang itsura. Madalas, lalo na sa mga eskuwelahan, ay tinutukso at binabansagan base sa kanilang panlabas na itsura.