Mga kaalaman tungkol sa Kuto sa Ulo

Ang kuto ay isang insektong parasitiko na maaaring manalasa sa ulo ng tao. Ang insektong Pediculus humanus capitis ay may kakayanang manirahan at magparami sa buhok sa ulo ng tao, at ang ang balat at dugo naman ang nagsisilbing pagkain nito. Lisa naman ang tawag sa puting itlog ng kuto na nakakapit sa buhok. Ang kondisyong ito na isang uri ng paratismo ay tinatawag na pediculosis sa terminolohiyang medikal. Tandaan na iba rin ang uri ng kuto na namemeste sa buhok sa ibang bahagi ng katawan.

Bakit nagkakaroon ng kuto at lisa sa ulo?

Ang kuto ay maaaring makuha kung sakaling madikit ang iyong buhok sa ulo ng taong mayroon nang kuto. Ang pamemeste ay maaring magsimula kung sakaling makalipat ang kahit na dalawang kuto lamang, isang babae at isang lalake. Ang dalawang kutong ito ay maaaring magsama at mangitlog ng maraming lisa sa buhok, kaya’t mabilis itong nakapagpaparami. Ang kuto ay maaari ding makuha sa damit, suklay, o unan na ginamit ng apektadong tao.

Mga Paniniwala sa Pagkakaroon ng kuto

May mga nagsasabi na maaari daw lumipad o tumalon ang kuto mula sa isang ulo patungo sa iba. Ito ay hindi too. Ang mga kuto ay walang pakpak upang makalipad, at wala ring mahahabang paa para makatalon. Tanging sa pagkakadikit lamang sa apektadong buhok, o kaya’y sa mga gamit na ginamit ng taong may kuto maaari itong makuha. Hindi rin totoo na maaaring kumalat ang kuto sa balahibo ng alagang hayop. Ang kutong namemeste sa ulo ng tao ay para sa tao lang at walang kakayanang dumami o manirahan sa balat ng hayop.

Sino ang maaaring magkaroon ng kuto?

Walang pinipiling edad o kasarian ang pagkakaroon ng kuto. Lahat ng tao na mayroong buhok sa ulo ay maaari nitong mahawaan. Bagaman mas madalas ito sa mga kababaihan, dahil sa kanilang mahabang buhok, at sa mga kabataang nasa edad 3 hanggang 10.

Ano ang hitsura ng kuto at ng lisa?

Image Source: www.pests.org

Ang kuto ay isang insekto na halos kasing laki ng linga. Ito ay may anim na paa at maaaring kulay tsokolate (brown), itim, o akulay abo (grey). Ang lisa naman ay makintab, maaaring kulay abo o puti, at hugis bilohaba (oblong) na kadalasang may buntot. Ang mga lisa ay kadalasang nakikitang nakakapit sa mga hibla ng buhok.