Mga Karaniwang Kanser sa mga Kalalakihan at Paano Sila Maaagapan

Ayon sa isang ulat ng DOH noong Pebrero, sa mga kalalakihan ang pinakakaraniwang mga cancer, mula sa pinakakaraniwan, ay ang kanser sa baga (lung cancer), kanser sa atay (liver cancer), kanser sa prostata (prostate cancer), at kanser sa bituka (colon cancer).

Kanser: ito’y kinakatakutan ng maraming tao at may pananaw na kapag ikaw ang nagkaroon nito, katapusan na ng mundo mo. Ngunit hindi ito totoo! Sa nakaraang dalawang dekada ay napakaraming pagbabago sa mundo ng medisina at dahil sa bagong mga nadiskubreng lunas para sa kanser, ito’y isang sakit na maaaring magamot, lalo na kung nakita ng maaaga.

Paano nga ba makakaiwas? Tunghayan ang mga hakbang para sa bawat kanser:

Kanser sa baga (Lung cancer)

Umiwas sa paninigarilyo sapagkat ito ang numero unong sanhi ng lung cancer. Regular na magpa-check up sa doktor upang ma-X-ray ang iyong baga kung kailangan, at kaagad magpatingin kung may sintomas ng pag-ubo ng dugo, hindi nawawalang ubo, pamamayat, at panghihina.

Kanser sa atay (liver cancer)

Iwasan ang sobrang pag-inom ng alak o paglalasing. Magpabakuna laban sa Hepatitis B at iwasan ang anumang gawain na maaaring maging sanhi ng pagkahawa nito gaya ng pakikipagtalik ng walang proteksyon, hiraman ng karayom sa mga nagdodroga, at iba pa. Magpatingin kaagad sa doktor kung may paninilaw, pamamanas, pamamayat, at pangangati sa buong katawan na hindi nawawala.

Kanser sa prostata (prostate cancer)

Image Source: parentsafrica.com

May mga screening tests gaya ng pagkapa ng doktor sa prostata sa Digital Rectal Exam (DRE)·o ang pagsusuri sa dugo ng Prostate-Specific Antigen (PSA). Ito’y maaaring gawin bawat 1-2 taon mula sa edad 40. Magpatingin sa doktor para sa anumang sintomas ng pag-ihi gaya ng balisawsaw na hindi nawawala, parang may natitirang ihi sa pantog, pag-ihi ng dugo, pagtitibi at pamamayat.·

Kanser sa bituka (colon cancer)

Image Source: www.akoaypilipino.eu

Kumain ng tama at iwasan ang sobrang matataba. Mag-ehersisyo at huwag manigarilyo. Ipatingin sa doktor ang anumang pagbabago sa iyong pagdumi na hindi nawawala gaya ng pagtitibi, pagnipis ng dumi, halinhinang pagtatae at pagtitibi, dugo sa dumi, pamamayat at panghihina. Magpakonsulta kung paano ka maaaring ma-screen para sa kanser sa bituka sa pamamagitan ng FOBT (Fecal Occult Blood Test) o colonscopy o pagsilip sa bituka gamit ang isang tubo na ipapasok sa puwit.·

Kung may mga kapamilya ka sa nagkaroon na ng kanser, maging mas maingat sapagkat may ilang uri ng kanser na namamana maaari kang ituring na “at risk” para sa kanser na ito.·

Huwag matakot sa kanser. Hindi mo man ito maiwasan, hindi parin katapusan ng mundo dahil marami na ngayong gamutan para sa kanser. Ito’y tatalakayin natin sa susunod na artikulo.·