Mga karaniwang sakit sa balat na nararanasan ng mga Pilipino

Ang pagkakaroon ng mga sakit sa balat ay karaniwang nararanasan lalo na kung nalalantad ang balat sa iba’t ibang uri ng mikrobyo, fungi at parasitiko na siyang sanhi ng mga ito. Dahil sa mga sakit na ito, maaaring makaranas ng pangangati, pagsusugat, pamamaga, pamumula, at matinding iritasyon sa balat. Mabuti na lamang, nariyan ang maraming uri ng antifungal, antibacterial, at anti-inflammatory na cream at ointment na mahusay para sa mga ganitong uri ng kondisyon sa balat at madali lamang din namang nabibili sa mga butika.

Ang mga karaniwang uri ng sakit na nakakaapekto sa balat ng mga Pilipino ay ang sumusunod:

1. An-an

Ang an-an ay isang karaniwang sakit sa balat na dulot ng impeksyon ng fungi. Dito nagkakaroon ng kaibahan sa normal na kulay ng balat na kumakalat nang patse-patse. Maaari itong magamot sa tulong ng antifungal cream o ointment. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na an-an.

2. Buni

Ang buni ay isa ring karaniwang sakit sa balat na dulot din ng impeksyon ng fundi. Kilala ito sa pagkakaroon ng bilugang marka sa balat na may pangangapal at matinding pangangati. Ito ay lumalaki at kumakalat sa paglipas ng panahon. Maaari itong magamot sa tulong antifungal na gamot. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na buni.

3. Hadhad

Ang mga singit ng katawan na madalas pinagpapawisan ay maaaring maapektohan din ng sakit sa balat lalo na kung kulang sa paglilinis ng katawan. Ang mga pangangati at pangangapal ng balat sa singit na tinatawag na hadhad o jock itch ay dulot din ng impeksyon ng fungi sa balat. Maaari itong magamot sa tulong antifungal cream at ointment. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na hadhad.

4. Galis

Ang sakit na galis ay dahil naman sa paninirahan ng mga parasitikong insekto sa ilalim ng balat. Dahil dito, nakararanas ng sobrang pangangati at pagsusugat dahil sa kakakamot ng balat. Maaari itong magamot sa tulong ng mga gamot ispesipikong para sa paggagalis o scabies. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na Galis.

5. Pigsa

Ang pigsa o boils ay isang kondisyon kung saan mayroong impeksyon ng bacteria at nagdulot ng pamamaga, pamumula, at pagnanana sa balat. Ito ay may matinding pananakit at maaaring lumala pa kung hindi magagamot. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na pigsa.

6. Pagtatagihawat

Gaya rin ng pigsa, ang pagtatagihawat ay dulot ng impeksyon ng bacteria sa balat. Ngunit ang mga tagihawat ay mas maliit kaysa sa pigsa. Madalas itong makaapekto sa balat sa mukha sa panahon ng puberty stage. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa pagtatagihawat.

7. Alipunga

Ang alipunga ay isa pa ring sakit na dulot ng impeksyon ng fungi, ngunit ito ay nakakaapekto sa balat sa pagitan ng mga daliri sa paa. Kaakibat din nito ang matinding pangangati at pagsusugat sa paa, at minsan pa ay pamamaho at pagbibitak ng mga kuko sa paa. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na alipunga.

8. Balakubak

Ang balakubak ay tumutukoy sa panunuyo at pagtuklap ng balat sa anit ng ulo. Maaaring dahil ito sa abnormalidad sa produksyon ng langis ng mga sebaceous glands sa ulo. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na balakubak.