- Sakit sa puso (Heart Diseases)
- Sakit sa mga ugat ng dugo (Vascular Diseases)
- Kanser (Cancer)
- Mga aksidente (Accidents)
- Pulmonya (Pneumonia)
- TB (Tuberculosis)
- Mga impeksyon sa bituka (Necrotizing Enterocolitis)
- Sakit sa baga (Chronic Lower Respiratory Diseases)
- Diabetes
- Mga sakit ng bagong panganak (Perinatal conditions)
* Hango sa datos ng Department of Health (DOH) noong taong 2007
Isang mahalagang kaalaman ang mga pinaka-karaniwang sakit sa Pilipinas sapagkat kapag alam natin kung ano-ano ang mga sakit na ito, mas mapapagtuunang pansin natin sila, lalo na’t marami sa kanila ay “Preventable Diseases” o sakit na maaaring maiwasan.
Kung mapapansin niyo sa listahan sa ibaba, numero uno ang “Heart Diseases” o mga sakit sa puso. Pangalawa ang “Vascular Diseases” Ito’y karaniwang dulot ng high blood o altapresyon. Tunghayan ang artikulo ukol sa high blood para malaman kung paano ito maiiwasan o maagapan.
Kanser o Cancer naman ang pangatlo. Bagamat ang kanser ay naaapektuhan ng genetic factors o nasa lahi o nasa dugo, marami na ngayong mga kanser na maaaring maagapan sa pamamagitan ng maagang pagkatuklas (early detection). Mga screening tests gaya ng pap smear para sa cervical cancer at mammography para sa breast cancer ay napatunayan nang mabisa sa pagsupil sa cancer habang ito’y maaari pang maagapan.
Pulmonya, TB, at mga pangmatagalang sakit sa baga (gaya ng COPD) ay pawang mga sakit sa baga. Ang paninigarilyo’y direktang nagsasanhi ng COPD; at nakakaapekto rin sa pulmonya at TB. Ang pagtigil sa paninigarilyo ay malaking bagay para masolusyunan natin itong mga sanhing ito ng kamatayan sa ating bansa. Sa TB at pulmonya, maaagang pagkonsulta at masipag at regular na pag-inom ng nakatakdang gamot ay maaaring makabawas sa mga pagkatamay na dahil sa kanila.
Kailangan ring pagandahin pa ang mga kagamitan at lugar kung saan pinapanganak ang mga sanggol para hindi sila maimpeksyon (#10). Ang impeksyon sa bituka na Necrotizing Enterocolitis ay karaniwang sa mga sanggol rin – kailangan pag-aralan kung anong mga gawain ang nagsasanhi nito.
Ang Diabetes (#9) naman ay isa ring sakit na nasa lahi, at kinakailangan ng masipag na gamutan, at disiplina sa pagkain. Inaanyayahan ang mga taong may diabetes na magpatingin sa doktor ng regular para mabantayan ang mga komplikasyon na syang nagdudulot ng maagang pagkamatay.