Araw-araw, ang mga sinus ng ilong ay naglalabas ng mucus o malabnaw na sipon. Ang produksyong ito ay mahalagang proseso upang mapanatiling basa ang loob ng ilong at malinis ang hangin na nalalanghap. Maging ang mga tissue sa loob ng ilong ay kinakailangan ang malabnaw na sipon upang gumana nang mas maayos. Hindi man namamalayan, ang sipon na ito ay tumutulo papasok sa lalamunan.
Ngunit sa ilang pagkakataon, ang produksyon ng mucus o sipon ay dumodoble at napapasobra dahil sa ilang mga kondisyon. Ang sobrang mucus ay maaaring tumulo palabas sa butas ng ilong (runny nose), o kaya naman umagos papasok sa lalamunn (postnasal drip). Ang iba’t ibang kondisyong ito ay tinuturing ng lahat bilang iisang kondisyon at mas kilala bilang karaniwang sipon o common cold.
Image Source: babycenter.ca
Ang pagbabago sa produksyon ng mucus na nagreresulta sa pagkakarooon ng sipon ay maaaring dahil sa alinman sa mga sumusunod:
1. Allergy
Ang pinakakaraniwang sanhi sa pagbabago ng produksyon ng mucus sa ilong ay ang pagpasok ng mga allergens sa ilong na nagduduot ng allergy. Kabilang sa mga sintomas na naidudulot ng allergens ay pagkakaroon ng umaagos na sipon. Ang mga karaniwang allergens na nagdudulot ng sipon ay alikabok, pollen mula sa bulaklak, usok, at balahibo ng mga alagang hayop. Kadalasan, humuhupa naman ang sintomas na ito paglipas ng ilang oras o isang araw, o matapos maggamot ng kontra-allergy.
2. Impeksyon ng virus
Isa rin sa mga kilalang sanhi ng pagkakaroon ng sipon ay ang impeksyon ng ilang uri ng virus. Sa ngayon ay mayroong higit sa 100 uri ng COLD virus na nakakalat sa hangin at maaaring magdulot karaniwang sipon. Ang kondisyon na dulot ng virus ay kusa ding gumagaling makalipas ang ilang araw.
3. Obstraksyon sa loob ng ilong
Ang pagkakaroon ng obstraksyon o harang sa loob ng ilong ay isa namang pambihirang kaso na nakapagdudulot din ng pagbabago sa produksyon ng mucus sa ilong. Tinutukoy dito ang mga tumor o maliliit na bukol na tumutubo sa loob ng ilong. Maaari lamang masolusyonan ang ganitong uri ng sipon kung maaalis ang tumor na tumubo sa loob.
4. Impeksyon ng bacteria
Ang pagkakaroon naman ng impeksyon ng bacteria sa loob ng ilong ay maaari ding magdulot ng sipon. Kadalasan ang mga sipon na dulot nito ay nagbibigay ng kulay berde o dilaw na sipon at kadalasang makapal. Maaalis lamang ito sa tulong ng pag-inom ng antibiotic.
5. Pagbubuntis
May ilang sipon din na dulot naman ng pagbabago sa hormones sa katawan dahil sa pagbubuntis. Ang sipon na dulot nito ay kusa ring nawawala.