Mga karaniwang tanong tungkol sa Viagra (Sildenafil)

Q: gamot po ba yung pag inum ng viagra pra lumaki ang ari?

Ang Viagra (Sildenafil) ay isang gamot na tumutulong sa pagdaloy ng dugo sa ari ng lalaki, na siyang nagbibigay ng sapat na dugo upang tigasan at marating nito ang hustong laki sa loob ng ilang oras. Ito’y maaaring gamot sa taong may ‘erectile dysfunction’ o hindi na magawang patigisin ang kanilang ari. Sa iba, ito’y ginagamit para maging ‘mas matigas’ ang kanilang mga ari. Subalit, hindi nito pinapalaki ang ari ng lalaki, malambot man o nasa hustong laki. Sa kasukuyan, walang gamot na napatunayan na nakakapagpalaki ng ari ng lalaki.

Basahin: Pampalaki ng Ari ng Lalaki: Ang Katotohanan

Ang pag-inom ng Viagra na nangangailangan ng reseta at gabay ng doktor. Hindi ito para sa lahat ng tao, at huwag rin itong gamitin bilang isang gamot na ‘pampatigas’ o ‘pampalibog’. May mga ‘side effects’ ito, gaya ng sakit ng ulo, paglabo ng mata, at, bagamat bihira lamang, heart attack. Huwag na huwag rin itong iinumin na kasama ng mga ibang ‘drugs’ gaya ng mga ‘poppers’ (amyl nitrate) na ginagamit ng iba na pampagana sa pakikipag-sex.

Sino ang pwedeng uminom ng Viagra?

Ang Viagra (Sildenafil) ay pwedeng inumin ng mga lalaking may erectile dysfunction, o mga lalaking nahihirapang patigasin ang kanilang ari, o kaya mga lalaking nagagawang magpatigas ng ari subalit hindi ito mapanatili, kasama na dito ang mga may diabetes na nahihirapang makipag-sex. Subalit, gaya ng sasagutin ng susunod na katanungan, hindi ito pwede sa lahat. Isa pa, kinakailangan ng konsultasyon at reseta mula sa iyong doktor ang Viagra.

Kanino bawal ang pag-inom ng Viagra?

Ang pag-inom ng Viagra ay bawal, o kinakailangan ng masusing pakikipag-ugnayan sa doktor sa mga sumusunod:

  • Mga may high blood, na-stroke na, o sakit sa puso
  • Mga taong gumagamit ng ‘poppers’, nitroglycerin, at ilang uri ng gamot
  • Mga taong may problema sa atay o sa bato
  • Mga taong ay karamdaman sa ‘retina’ ng mata

Magpatingin sa doktor upang masuri ang iyong kondisyon kung pwede ka bang uminom ng Viagra (Sildenafil)