Mga kondisyon at karamdaman na makikita sa mga kuko

Maraming paraan para matukoy ang mga kondisyon at karamdaman na nararanasan sa katawan ng tao. Halimbawa, kung may lagnat, nalalaman kaagad ito kung mainit ang temperatura ng katawan; ang pagkakaroon ng karamdaman naman sa atay ay maaaring matukoy kung naninilaw ang kutis ng balat at may pamamaga sa bandang tiyan na bahagi ng katawan.

Image Source: unsplash.com

Ngunit alam niyo ba na may ilang mga karamdaman at kondisyon na naranasan o nararanasan ng katawan na maaaring matukoy sa simpleng pagtingin at pagsuri sa mga kuko sa mga daliri. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga karamdaman na maaaring matukoy sa tulong ng pagtingin sa mga kuko.

1. Maputla o mala-asul na kuko: Indikasyon ito ng pagkakaroon ng anemia o sakit sa dugo. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na anemia: Anemia.

2. Mabagal na panunumbalik ng kulay ng kuko ‘pag pinisil: Mabagal o may problema sa sirkulasyon ng dugo kung dumaranas nito.

3. Mapuputing tuldok: Kaiba sa paniniwala ng marami na ang mga puting tuldok ay indikasyon ng kakulangan sa calcium o zinc, ang mga tuldok na ito ay pawang senyales ng nakalipas na pinsala sa kuko. Basahin ang kahalagahan ng mineral na calcium: Kahalagahan ng calcium.

4. Pamimilog ng kuko: Ang pamimilog ng kuko na nagmimistulang nakataob na kutsara ay maaaring indiskasyon ng pagakaroon ng hika o sakit sa puso. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na hika: Kaalaman sa sakit na hika.

5. Mala-kutsarang kuko: Kung ang kuko naman ay tumutubo nang palabas na mala-kutsara na nakaharap, maaaring indikasyon din ito ng anemia, karamdaman sa atay, o matinding pinsala sa mga daliri. Basahin ang iba’t ibang senyales na maaaring indikasyon ng karamdaman sa atay: 10 Senyales ng problema sa atay.

6. Lubog-lubog na tuldok sa kuko: Ang pagkakaroon ng mga tuldok na nakalubog sa kuko na tila tinusok ng karayom ay senyales naman ng karamdaman na psoriasis o implamasyon ng balat.

7. Maitim na tuldok: Ang pagkakaroon naman ng maitim na tuldok sa kuko ay maaaring indikasyon ng seryosong sakit na melanoma o malalang kanser sa balat.

8. Guhit na pahalang (Beau’s Lines): Ang mga guhit sa kuko ay senyales naman ng isang kaganapan sa buhay na maaaring nakaapekto sa pangkabuuang kalusugan tulad ng malubhang lagnat. Maaaring indikasyon din ito ng diabetes o kakulangan ng zinc. Basahin ang kahalagahan ng mineral na zinc sa kalusugan: Kahalagahan ng Zinc.