Dahil ang Pilipinas ay likas na dinadaanan ng mga bagyo sa buong taon, dapat ay malinang ng lahat ang kahalagahan ng pag-iwas at prebensyon sa mga sakit at kondisyon na nauuso sa mga panahon na ito. Sa panahong ito, nagaganap ang pagbaha, kontaminasyon ng mga pagkain at inumin, kakulangan ng mga pangkain, at hawaan ng mga sakit sa mga evacuation centers na posibleng umabot sa epidemya. Pero ano nga ba ang mga kondisyon at sakit na madalas nating naririnig sa tuwing may dadaan na bagyo sa mga lugar? Narito ang ilan sa mga mga ito:
Leptospirosis
Image Source: saksingayon.com
Ang isa sa mga pinakausong sakit na nararansan sa panahon ng tag-ulan at bagyo ay ang sakit na Leptospirosis. Ito ay ang sakit na nakukuha mula sa ihi ng daga na humahalo sa tubig baha. Maaari magkasakit nito kung ang kontaminadong tubig-baha ay makapasok sa sugat.
Paano ito maiiwasan: Hanggat maaari, huwag lumusong sa baha lalo na kung may sugat. Kung hindi naman maiwasan, siguraduhing may proteksyon sa paa gaya ng bota.
Pagtatae o Diarrhea
Image Source: newsnetwork.mayoclinic.org
Hindi rin maiiwasan na mauso ang sakit na pagtatae. Dahil sa kakulangan ng suplay ng mga pagkain, maaaring makontamina ang natitira pang pagkain na hindi naman maiwasang hindi kainin. Mahalagang maagapan ang sakit na ito upang maiwasan ang dehydration ng katawan na maaaring makamatay.
Paano ito maiiwasan: Umiwas sa mga pagkain na may posibilidad ng kontaminasyon. Lutuin din ng husto ang mga pagkain, at initin ang mga tirang pagkain. Salain at pakuluan ng hindi bababa sa isang minuto ang inuming tubig.
Ubo, Sipon at Trangkaso
Image Source: www.nbcnews.com
Ang mga karaniwang sakit na dulot ng impeksyon ng virus ay nauuso rin sa panahon ng pagbagyo at pag-ulan. Kadalasang kumakalat ito sa mga evacuation centers na puno ng mga tao lumikas mula sa pananalasa ng bagyo. Ang pagsasama-sama ng mga tao ay nakapagpapataas ng posibilidad ng hawaan ng mga ganitong sakit.
Paano ito maiiwasan: Ugaliin ang paghuhugas ng kamay at palakasin ang resistensya ng katawan. Kumain ng masusustansyang pagkain o kaya ay uminom ng bitamina.
Alipunga
Image Source: www.flushinghospital.org
Madalas din ang mga kaso ng alipunga lalo na kung mabababad ang paa sa maduming tubig o laging nakapaa sa mga pampublikong lugar. Ang alipunga ay ang impeksyon ng fungi sa paa na nagdudulot ng matinding pangangati at mabahong amoy sa paa.
Paano ito maiiwasan: Kung sakaling mababad ang paa sa baha, hugasan ito ng maigi gamit ang sabon at malinis na tubig. Iwasan din na magpaa kung maglalakad sa mga pampublikong lugar.
Malnutrisyon
Image Source: asia.nikkei.com
Sa panahon ng delubyo, may posibilidad na kumonti ang suplay ng pagkain. At dahil dito, lumiliit ang nutrisyon na nakukuha ng bawat isa. Ang sintomas ng malnutrisyon at ang malaking kabawasan ng timbang at kawalan ng sigla.
Paano ito maiiwasan: Bago pa man dumating ang bagyo, tiyakin na may sapat na pagkain na naitabi para sa buong pamilya na maaaring magtangal ng hanggang isang linggo. Tiyakin din na makakakain pa rin ng 3 beses sa isang araw.
Dengue
Image Source: www.nation.co.ke
Dahil din sa pag-uulan, maaaring dumami ang lamok sa mga napabayaang imbak ng tubig. Ang pagdami ng lamok ay maaaring magdulot ng pagkalat ng sakit na dengue lalo na sa mga masisikip na evacuation center. Ang pagkakaroon ng dengue ay dapat ikabahala sapagkat kung mapapabayaan, maaari itong makamatay.
Paaano ito maiiwasan: Linisin ang mga lugar na maaaring pagpugaran ng lamok. Gumamit din ng kulambo lalo na sa pagtulog sa gabi.
Cholera
Image Source: www.who.int
Malaki ang posibilidad ng kontaminasyon sa mga inuming tubig dahil sa mga dumadaan na bagyo. Isa sa mga sakit na maaaring idulot ng kontaminasyon na ito ay Cholera. Ang pagkakaroon ng cholera ang makapagdudulot ng tuloy-tuloy na pagtatae na kung mapapabayaan ay maaaring magdulot ng dehydration.
Paano ito maiiwasan: Tiyaking malinis ang iniinom na tubig. Salain at pakuluan ang inuming tubig ng hindi bababa sa isang minuto upang mamatay ang mga mikrobyo. Maghugas din parati ng mga kamay.
Typhoid
Image Source: www.freepik.com
Gaya ng cholera, ang sakit na Typhoid ay nakukuha rin sa mga kontaminadong inumin at pagkain. Sa pagkakaroon ng sakit na ito, nararanasan din ang tuloy-tuloy na pagtatae na may kasama pang mataas na lagnat. Dapat ding agad na madala sa pagamutan ang taong nakakaranas ng sakit na ito sapagkat maaari din itong makamatay kung isasawalang bahala.
Paano ito maiiwasan: Tiyaking malinis ang iniinom na tubig. Salain at pakuluan ang inuming tubig ng hindi bababa sa isang minuto upang mamatay ang mga mikrobyo. Maghugas din parati ng mga kamay.
Iba pang impeksyon sa sugat at balat
Ang pananatili sa mga evacuation center ay maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit kung sakaling mapapabayaan madumi ang kapaligiran. Ang ilan sa mga sakit na maaaring makuha ay ang impeksyon sa sugat gaya ng tetano at ilan pang impeksyon sa balat kaya ng pigsa at galis. Maaari din magkaroon ng hawaan ng kuto sa ulo.
Paano ito maiiwasan: Para makaiwas sa mga impeksyon sa sugat, siguraduhing malilinis at malagyan ng gamot. Gawin itong regular hanggat hindi pa gumagaling ang sugat. Kung malala ang sugat, ipatingin ito sa klinika o ospital. Para naman maiwasan ang mga impeksyon sa balat, dapat ay panatilihing malinis ang kapaligiran.
Iba pang sakit na dulot ng virus
Dahil nga sa masikip at kadalang siksikan ang ang mga tao sa evacuation centers, mahirap maiwasan ang hawaan ng mga sakit na dulot ng impeksyon ng virus. Ang ilan pang madalas kumalat na mga sakit sa mga evacuation centers ay ang tigdas, sore eyes, bulutong at beke.
Paano ito maiiwasan: Mahirap maiwasan ang mga sakit na dulot ng virus lalo na kung nagsimula na itong humawa-hawa sa mga tao sa evacuation centers. Ang tangi lamang magagawa ay ang paratihang paghuhugas ng mga kamay. Maaari din itong maagapan kung umpleto sa pagpapaturok ng bakuna.