Ang pagbibinata o puberty ay ang pisikal na pagbabago ng katawan ng isang batang lalaki patungo sa pagiging isang matandang lalaki. Sa mga kalalakihan, ang puberty ang kalimitang naguumpisa sa edad 12, at natatapos ito sa edad 17-18. Testosterone ang pangalan ng isa sa mga hormone na responsable sa mga pagbabagong ito.·
Ang unang mapapansin sa puberty ay ang paglaki ng mga itlog o testicles sa bayag o scrotum. Isang taon makatapos ang paglaki ng mga itlog, ang titi o ari ng lalaki ang siyang namang magkakaroon ng pagbabago; ito muna’y hahaba, pagkatapos ay tataba hanggang magmukhang pangmatanda ang itsura.
Habang lumalaki ang itlog at ari, susunod na rin ang pag-usbong ng bulbol o pubic hair. Sa mga lalaki, ang bulbol ay unang makikita sa harapan at bandang itaas ng ari, at dahan-dahan itong kakalat hanggang sa magmukhang isang tatsulok. Tapos maging sa loob na bahagi ng hita at sa may puson ay magkakaroon ng rin ng buhok.
Pagkatapos magkaroon ng bulbol, magkakaroon na rin ng buhok sa kilikili, sa may puwitan, bigote, balbas, at sa utong. Ang buhok ay kakapal at mas magiging itim ang kulay. Maaari naring magumpisang magkaroon ng buhok sa dibdib o ‘chest hair’ ngunit tandaan na ang buhok sa katawan ay nakadepende rin sa tao. May mga taong sadyang maraming buhok, ika nga ‘balbon’; mayroon din namang ibang parang babae na halos walang buhok sa katawan.
Ang hugis ng katawan ay magbabago rin, sapagkat ang mga kalalakihan ay dinesenyong mas maraming muscle, at iba pang pagkakaiba sa mga kababaihan.·
Kapansin-pansin rin ang paglagong ng boses ng mga nagbibinata. Minsan, dahil narin sa mga pagbabagong ito na hindi pa pulido, may mga nagbibinata na “pumipiyak”. Ito’y pansamantala lamang at sa pagtanda ay nawawala na.·
Dahil sa mataas na level ng mga hormones sa katawan, maaaring magkaroon ng tinatawag ng “body odor”. Ito rin ang maaaring maging sanhi ng acne o tagihawat / tagyawat.
Image Source: bravester.com
Mga mahalagang mensahe: Una, lahat ng mga nabanggit na ito ay pawang mga normal na pagbabago sa katawan. Hindi dapat mabahala sa mga ito ngunit kung nangangailangan ng gabay, huwag mag-atubiling lumapit sa mga magulang o pinagkakatiwalaang mga nakakatanda. Ang mga magulang ay dapat ring turuan ang kanilang mga anak tungkol sa mga bagay na ito upang hindi sila mabigla.
Pangalwa, ang mga nabanggit na edad ang pawang mga “average” lamang; maaaring mauna o mahuli sa mga ito at normal parin ang iyong katawan. Kung ikaw ay nagbibinata o nagdadaan sa mga pagbabagong inilarawan sa artikulong ito, huwag ikumpara ang sarili sa mga kaklase o kaibigan, sapagkat ang bawat tao’y may kani-kanyang bilis at antas ng pagbabago. Ngunit kung hindi mapakali at gustong magpasuri sa doktor, huwag mag-atubiling magpatingin sa inyong pediatrician.·
Bukod sa mga pisikal na pagbabago, marami pang ibang pagbabago na haharapin sa “stage” na ito ng pagtanda. Ang mga ito ay tatalakayin sa ibang artikulo dito sa Kalusugan.PH.