Mga pagkain na dapat bantayan ng taong may sakit sa bato

Ang mga bato o kidney ang isa sa mga organ ng katawan na may pinakamalaking papel na ginagampanan sa maaayos na paggana ng katawan. Ang pagsasala ng dumi at sobrang mga sustansya sa dugo, pagbuo sa nilalabas na ihi, at pagpagpapanatiling balanse ng mga tubig sa katawan ay ilan lamang sa mga mahahalagang papel na ginagampanan nito. Sa kasamaang palad, ang mga bato ay isa rin sa mga organ na maaaring dapuan ng sakit na kung lumala ay tiyak na makaaapekto sa normal paggana ng katawan.

Sa pagkakataong madapuan ng karamdaman ang bato gaya ng impeksyon, o pagkakaroon ng bato (stones) na makababara sa maliliit na tubo sa bato, marapat lamang na bantayan nang mabuti ang mga pagkain na kinakain nang sa gayon ay hindi na lumala ang kondisyon. Dapat alalahanin na upang mabuhay nang normal ang isang tao, kinakailangan ang isang malusog at gumaganang kidney.

Narito ang mga pagkain na dapat iwasan ng taong may sakit sa bato:

1. Mga pagkaing may mataas na lebel ng sodium

Ang mga pagkaing may mataas na lebel ng sodium ang pangunahing pinagbabawal sa mga taong may karamdaman sa kanilang bato. Ito’y sapagkat ang sodium ay nakapagpapataas sa presyon ng dugo na nakasasama naman sa maliliit na tubo sa loob ng bato. Ang mga pagkaing may mataas na lebel ng sodium gaya ng mga instant food, sitsirya, at mga pagkaing pinaalatan nang husto ay dapat iwasan. Magbasa tungkol sa mga pagkaing mayaman sa sodium.

2. Mga pagkaing may mataas na lebel ng potassium

Bukod sa pagsasala ng mga dumi sa dugo, sinasala din ng mga bato ang sobrang sustansya at mineral, kabilang na ang potassium. Ang mahinang bato dahil sa isang karamdaman ay maaari lamang na mas lalong manganib na humina at mapinsala kung dadagdagan ang kinakaing potassium. Halimbawa ng mga pagkaing mayaman sa potssium ay saging, patatas, at mga kabute. Magbasa tungkol sa mga pagkain na mayaman sa potassium.

3. Mga pagkaing may mataas na lebel ng phosphorus

Gaya din ng potassium at sodium, ang sobrang phosphorus sa taong may karamdaman sa bato ay maaaring makapagpalala lamang sa kondisyon. Kung kaya ay mabuting malimitahan din ang dami ng kinakaing mayaman dito gaya ng tahong, keso, at mga isda. Magbasa sa mga pagkaing mayaman sa phosphorus.

4. Mga pagkaing may mataas na lebel ng oxalate

Ang mga pagkaing mayaman sa oxalate gaya ng spinach, mani, kamote, at tsokolate ay makabubuting limitahan din kung sakaling dumaranas ng karamdaman sa mga bato. Ito’y sapagkat ang oxalate ang siyang kumakapit sa calcium na nasa dugo at bumubuo sa calcium oxalate na siya namang nagiging bato (stones) na maaaring makabara sa daluyan ng ihi.

5. Mga pagkaing may mataas na protina

Dapat ring malimitahan ang dami ng protina na kinakain ng taong may sakit sa bato. Dahil naman ito sa posibilidad ng pagkakaroon ng uric acid stones sa mga maliliit na tubo sa bato na maaari ding makabara sa daluyan ng ihi.