Mga pagkain na dapat iwasan kung may constipation

Ang regular na pagdudumi ay kinakailangan ng katawan sa mas maginhawang pamumuhay ng isang indibidwal. Ngunit sa kasamaang palad, posibleng ang pagdudumi ay maging problema dahil sa pagtigas ng dumi. Ang pagkakaranas ng pagtigas ng dumi ay tumutukoy sa kondisyon na kung tawagin ay constipation o pagtitibi, isang kondisyon na hindi mainam sa pakiramdam at maaaring magdulot pa ng masamang epekto sa kalusugan kung mapapabayaan.

Mahalaga na malaman ng bawat indibidwal na ang mga pagkaing kinakain sa araw-araw ay nakakaapekto sa tigas ng dumi na nilalabas ng katawan. Kung hindi mababantayan ang pagkaing kinakain, posible na lumala lamang ang kondisyon ng pagtitibi o constipation imbes na guminhawa na ang pakiramdam. Alamin sa Mediko.Ph ang mga pagkaing maaaring makapagpatigas ng dumi.

1. Mapulang karne

Ang mapulang karne ng baka ay nakadaragdag sa pagtigas ng duming inilalabas. Ito’y dahil sa taglay nitong protina at taba na hirap tunawin ng tiyan, gayun din ang taglay nitong iron na nakapagpapatigas din ng dumi. Ang fiber na tumutulong na mas maayos na pagdudumi ay hindi rin makukuha sa pagkain ng purong karne.

2. Saging

Ang saging na mayaman naman sa starch ay isa ring pagkain na hindi madaling matunaw sa tiyan. At dahil dito, nahihirapang makausad sa bituka ang dumi na nagreresulta sa lalo nitong pagtigas. Alalahanin na kung mas magtatagal ang mga tinutunaw na pagkain sa bituka, mas tumatagal din ang panahon ng pagsisipsip sa tubig na taglay nito, at ang resulta’y mas matigas na dumi.

3. Tsokolate

Ang gatas at fats na sangkap ng tsokolate ay nakakapagpabagal din sa proseso ng pagtunaw ng pagkain. Naaapektohan nito paggalaw (presitalsis) ng mga bituka kung kaya’t nahihirapan din na umusad ang mga kinain hanggang sa ito ay makalabas.

4. Produktong gatas (dairy products)

Ang iba’t ibang produktong gatas gaya ng keso, yoghurt, at ice cream, ay pinaniniwalaan ding nakapagdudulot ng pagtigas ng dumi sa maraming mga indibidwal. Sinasabing maaaring ang lactose na taglay ng mga gatas ang siyang nagdudulot ng pagtigas ng dumi.

5. Inuming may caffeine

Kung mas madalas na inumin ay kape imbes na tubig, posibleng magkulang ang tubig na kinakailangan ng mga tinutunaw na pagkain upang ito ay mas madaling mailabas. Mas mainam pa rin ang pag-inom ng sapat na tubig kaysa sa pag-inom ng tasa-tasang kape.

6. Pritong pagkain

Katangian ng mga pritong pagkain (french fries, fish nuggets) ang sobrang taas na fats na nakakapagpabagal sa proseso ng pagtunaw ng pagkain. Kasabay pa nito, kulang din ang taglay nitong fiber na makatutulong sa mas maayos na pagdumi.