Para sa mga eksperto, wala namang talagang ispesipikong pagkain na dapat ipakain sa mga nagpapasusong ina. Ngunit dapat pa ring tandaan na kinakailangang manatiling balanse ang pagkain kinakain upang may sapat na nutrisyon ang katawan na maipapasa sa gatas na pinapasuso. Ang sumusunod ay listahan ng mga pagkain na mpagkukunan ng mahahalagang sustansya na kailangan ng ina at ng sanggol.
Image Source: beautifulbreastfeeding.com
1. Salmon
Ang isdang salmon, bukod sa protinang taglay nito, ay mayroon ding docosahexaenoic acid (DHA). Ang DHA ay isang uri ng omega-3fatty acid na matatagpuan sa gatas ng nagpapasusong ina at kinakailangan ng sanggol sa kanyang paglaki. Mas mapapataas ang lebel ng DHA sa gatas ng ina kung dadamihan din ang pagkain ng isdang ito.
2. Purong karne ng baka
Kinakailangan din ng ina ang karagdagang iron at vitamin B12 upang magkaroon ng sapat na lakas sa araw-araw. At ang ang parehong nutrisyon na ito ay maaaring makuha sa purong karne ng baka.
3. Beans
Bukod sa protina mula sa mga karne ng hayop, ang protina mula sa mga beans ay maaasahan din.
4. Kanin
Huwag mangamba sa pagtaas ng timbang sa panahon ng pagpapasuso, bagkus hayaan na laman na kusang lumiit ang katawan. Maaari kasing bumagal ang produksyon ng gatas kung mamadaliin ang pagpapapayat ng katawan. Dagdagan ng carbohydrates ang pagkain sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanin sa pagkain. Ituloy na lamang ang pagpapapayat pagkalipas ng 6 na buwan ng pagpapasuso.
5. Tinapay
Bukod sa kanin, maaari ding makakuha ng carbohydrates mula sa tinapay. Palalakasin din nito ang panunumbalik ng lakas mula sa panganganak at araw-araw na pagpapasuso. Piliin ang mga whole-wheat bread upang magkaroon ng karagadagang fiber sa katawan.
6. Citrus fruit
Makapagbibigay naman ng karagdagang Vitamin C sa katawan ang pagkain ng mga prutas na citrus gaya ng ponkan, dalanghita, orange at iba pa. Mahalaga ito upang madagdagan ng vitamin c sa pinapasusong gatas na kailangan ng sanggol sa pagpapatibay ng kanyang mga buto.
7. Berde at madahong gulay
Ang mga berde at madahong gulay tulad ng malunggay, spinach, at kale ay makukuhanan ng ilan pang mga bitamina na kailangan ng sanggol. Mayaman din ang mga gulay na ito sa mahahalagang mineral at antioxidant na makakapagpalusog sa ina at sa kanyang sanggol. Maaari itong sabawan at ipainom sa nagpapasusong ina.
8. Tubig
Upang mapanatiling mataas ang produksyon ng gatas ng nagpapasusong ina, tiyakin na sapat ang iniinom na tubig sa araw-araw. Maiiwasan din ang dehydration sa mga ina lalo na sa mainit na panahon.