Ilang pag-aaral na ang nagpatunay ng kahalagahan at mabuting epekto ng antioxidants sa kalusugan. Ito ay nakapagbibigay ng proteksyon mula sa ilang uri ng mga sakit at pinapabagal din ito ang proseso ng pagtanda ng pisikal na katawan ng tao. Aktibo nitong nilalabanan ang mga free radicals sa katawan na may kaugnayan sa mabilis na pagtanda ng mga cells sa katawan at pagkakaroon ng sakit na kanser.
Ang maganda nito, madali lamang makuha ang antioxidants mula sa mga kinakain natin sapagkat ang ilang prutas at gulay ay natural na mayaman sa mahalagang substansyang ito. Ang mga bitamina A, C, at E na likas na taglay ng maraming gulay at prutas ay mahahalgang uri ng antioxidant. Narito ang ilan sa mga karaniwang pagkain na mayaman sa antioxidant.
1. Ubas at pasas
Ang bilog-bilog na bunga na ubas ay likas na mayaman sa antioxidant, lalo na yung masyadong mapula o maitim. Ang flavonoids at polyphenols na makikita sa balat nito ay mga uri ng antioxidant. Siyempre pa, ang pinatuyong ubas o pasas, pati na ang alak na yari sa ubas o red wine, ay makukuhanan pa rin ng antioxidant.
2. Mangosteen
Ang prutas na mangosteen ay siksik sa mahalagang antioxidant. Nakasento ang antioxidant na taglay nito sa mapupulang balat. Maaaring ilaga ang balat na pinatuyo sa araw at inumin ang pinaglagaan upang mapakinabangan ang antioxidant.
Basahin ang iba pang benepisyo na makukuha sa mangosteen: Halamang Gamot Mangosteen.
3. Strawberry
Ang matamis at mapulang strawberry na karaniwan sa lalawigan ng Benguet ay kilala ring mayaman sa mahalagang antioxidant. Sa isang tasa nito, maaaring makakuha ng hanggang 6,000 antioxidant.
Basahin ang iba pang benepisyo na makukuha sa strawberry: Halamang Gamot Strawberry.
4. Dark chocolate
Ang tsokolate na paborito ng marami ay kilala rin na may taglay na antioxidant. Ngunit ang dapat na piliin ay ang tsokolate na may mapait na lasa at maitim na kulay o dark chocolatesapagkat mataas ang konsentrasyon ng antioxidant dito.
5. Kamote
Bukod sa bitamina C, at B6, at mineral na potassium, at mga fiber, ang kamote ay mayaman din sa antioxidant. Ang beta-carotene na isang uri ng pro-vitamin A ay natural na antioxidant na may benepisyo sa kalusugan.
Basahin ang iba pang benepisyo na makukuha sa kamote: Halamang gamot: Kamote.
6. Tsaa
Ang bawat lagok ng natural na tsaa ay maaaring makuhanan ng dalawang uri ng antioxidant—ang anthocyanin at pro-anthocyanin. Pareho itong tumutulong na labanan ang masasamang epekto ng free radical sa katawan pati na ang ilang uri ng sakit.
Alamin ang iba pang benepisyo sa regular na pag-inom ng tsaa: Benepisyo sa pag-inom ng tsaa.
7. Berries
Ang iba pang uri ng berry gaya ng blueberry, raspberry, cranberry, blackberry likas ding mayaman sa antioxidant. Ang anthocyanin na taglay ng maliliit na prutas na ito ay malakas na uri ng antioxidant.
8. Karots
Ang substansyang beta-carotene na mayaman sa karot, bukod sa benepisyong maidudulot nito sa ating paningin, ay isang uri din ng antioxidant. Makatutulong ito na protektahan ang katawan mula sa masasamang epekto ng free radicals.
Basahin ang iba pang benepisyo na makukuha sa karot: Halamang Gamot Karot.
9. Beans
Ang ilang uri din ng beans gaya ng kidney bean, pinto bean, black bean, at red bean ay likas din na mayaman sa antioxidant.
10. Mansanas
Ang mapula at matamis na mansanas ay kilalang mayaman sa vitamin c. Ngunit bukod dito, may taglay din itong antioxidant na kinakailangan ng katawan. Pinakamataas ang konsentrasyon ng mahalagang antioxidant sa balat ng mansanas.