Q: Ano-ano pong lutong ulam ang maaaring ipakain sa taong diabetic?
A: Wala namang partikular na luto na sadyang para sa mga diabetes, ngunit mahalaga ang iyong tanong sapagkat ang pagkain o diet ay isang napakahalagang bahagi ng gamutan o ‘treatment’ sa mga taong may diabetes. Ang hindi-wastong pagkain ay maaaring magpalala ng diabetes, pero ang wastong pagkain ay pwedeng makatulong na mapagaling ito, o mapabagal ang paglala.
Ang pinakamahalagang prinsipyo sa pagkain para sa mga may diabetes ay ang pag-iwas sa mga pagkain na mataas as asukal, o mga matatamis na pagkain. Kasi ang katawan nila ay kulang sa insulin, na siyang nagpapababa ng antas ng asukal sa dugo. Dahil kulang ito, nananatili ang asukal sa dugo at nakakasira sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Nang mas pinag-aralan pa ng mga eksperto, napag-alaman nila na may mga pagkain na nagpapataas ng askual ng mas mabilis kaysa iba, at ito ang mga pagkain na may ‘high glycemic index’. Mas okay ang mga pagkain na may ‘low glycemic index’.
Basahin: Mga pagkain na mababa ang glycemic index
Bukod dito, dapat iwasang kumain ng maramihan. paunti-unti lamang. Mas okay na mag-almusal ng konti, merienda na konti, tanghalian na konti…kaysa isang tanghaliang kasing dami ng tatlong kainan na nabanggit, sapagkat ayaw nga natin na tumaas ang ‘blood sugar’.
Iwas din sa matataba at maaalat na pagkain, subalit wala naman talagang ‘bawal’. Bawas lang, hindi bawal. Kung may paborito kang pagkain, okay lang na tikman ito ngunit konti lang.
Siguro, kung may ipagbabawal ako sa mga may diabetes, ito ang pag-order ng ‘extra rice’. Sapat na ang isang tasa, baka nga dapat bawasan pa. Ang mga ‘carbohydrates’ gaya ng kanin ay isang uri din ng asukal kung kaya’t sila’y dapat bawasan. Sa halip, kumain ng maraming prutas at gulay.
Ang mga nabanggit ko ay ‘general principles’ lamang. Ang pagdedesenyo ng ‘diet plan’ para sa inyong pasyente ay pwedeng gawin ng isang ‘nutritionist’.