Adik ka ba sa pagtetext at paggamit ng cellphone? Ayon sa pagsasaliksik ng mga eksperto, lumalabas na patuloy na tumataas ang bilang ng mga taong nakakaranas ng pagka-adik sa cellphone sa iba’t ibang bahagi ng mundo. At ang adiksyon ito ay may mga senyales tulad ng sumusunod:
- Balisa kung wala ang cellphone sa tabi mo. Ang mga taong adik sa cellphone ay sinasabing dumaranas ng “separation anxiety” kung matagal na hindi mahawakan ang kanilang cellphone. Nararansan din ito kung low bat o walang charge ang cellphone, o kaya walang load.
- Panay ang gamit mo ng cellphone kahit na may mga kasama kang tao.
- Hindi mo magawa ang mga gawain gaya ng pagtatrabaho o pagkain nang hindi lumilingon sa cellphone.
- Nakakatulog at nagigising ka na nakatingin sa iyong cellphone.
- Dala-dala mo ang cellphone kahit saan – kahit sa banyo.
- Nahuhuli mo ang sarili na nakatitig sa cellphone kahit wala naman talagang ka-text o partikular na ginagawa.

Ang pagka-adik sa cellphone ay may mga maaaring hindi kanais-nais na epekto, gaya ng pagkalabo ng mata, pananakit ng kamay at leeg, at syempre, maaaring maka-apekto ito sa iyong trabaho at pakikisama sa ibang mga tao. Narito ang mga hakbang na maaaring gawin upang maiwasan ang adiksyon sa cellphone:
- Magpahinga paminsan-minsan. Subukan na kahit isang araw sa isang linggo o sa isang buwan na huwag gumamit ng cellphone.
- Huwag isama kung may mga kasama. Kung may mga okasyon na kasama mo ang mga pamilya, kaibigan, o ibang mahal sa buhay, pwede mong i-silent mode o patayin ang cellphone para hindi ka ma-distract.
- Magtalaga ng oras ng paggamit. Pwede mo ring ugaliin na pagkatapos ng 10 ng gabi (o anumang oras) ay tama na ang paggamit ng cellphone.
- Maghanap ng ibang magagawa. Bagaman tayo’y nasa “modernong” panahon na, huwag nating kalimutan ang iba’t ibang aktibidad na makakatulong sa ating kalusugan at kasiglahan, gaya ng sports, pag-eehersisyo, pagbabasa ng libro, at mas delakidad na oras ng pakikipag-usap sa ating mga mahal sa buhay.
Ang cellphone ay naging bahagi na ng ating buhay, ngunit ika nga, “too much of anything can’t be good” kaya dapat lang na siguraduhin natin na hindi tayo masosobrahan.