Ang mga karamdaman sa baga (respiratory diseases) ang isa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas. Ang mga ito ay maaaring dahil sa impeksyon ng malalakas na uri ng mikrobyo o kaya naman ay dahil sa kakulangan sa pangangalaga sa kalusugan. Ang kapaligiran at hangin na nilalanghap ay naka-aapekto rin sa kalusugan ng baga.
Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga pangkaraniwang sakit sa baga na nararanasan ngayon ng mga Pilipino.
1. Bronchitis
Ang bronchitis ay ang sakit kung saan namamaga ang mga gilid o lining ng mga tubong dinadaluyan ng hangin palabas at papasok sa baga. Dahil dito, makararanas ng matinding pag-uubo na may kasamang makapit na plema. Ang sakit na ito ay maaaring dulot ng impeksyon ng virus, ngunit kadalasan, dahil ito sa matagal na panahon ng paninigarilyo at pagkakalanghap ng maruming hangin o polusyon sa kapaligiran.
2. Hika
Ang hika o asthma ay ang kondisyon ng pangangapal at paninikip ng mga daluyan ng hangin papasok at palabas ng baga. Maaring makaranas ng hirap sa paghinga, tuloy-tuloy na pag-uubo, at paninikip ng dibdib ang taong mayroong hika. Maaaring makuha ang sakit na ito mula sa kapanganakan (namamana mula sa magulang), o kaya ay makuha dahil sa klasi ng hangin sa kapaligiran.
3. Emphysema
Tinutukoy naman sa sakit na emphysema ang pagkasira o hindi maayos na paggana ng mga alveoli sa loob ng baga. Ang alveoli ay ang mga maliliit na bilog sa dulo ng mga daluyan ng hangin kung saan nagaganap ang palitan ng oxygen at carbon dioxide sa dugo. Dahil sa sakit na ito, maaaring pumutok ang mga maliliit na alveoli at mahirapang huminga ang pasyente. Dahil din sa sakit na ito, bumababa ang lebel ng oxygen sa katawan. Ang paninigarilyo ang pangunahing sanhi ng karamdamang ito.
4. Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD)
Ang Chronic Obstructive Pulmonary Disease o COPD ay ang sakit kung saan nahihirapang dumaloy ang hangin sa baga. Ang pagkakaroon ng sakit na Bronchitis at Emphysema ang mga pangunahing nakaka-kontribyut sa paglala ng sakit na COPD. Paninigarilyo pa rin ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sakit na ito.
5. Lung Cancer
Ang kanser sa baga ay isa sa mga nangungunang uri ng kanser na nakakaapekto sa mga Pilipino. Dito’y nagkakaroon ng tumor o maliliit na bukol sa isang bahagi ng baga at magpapatuloy itong lumaki at kumalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Kadalasan, bunga din ito ng matagal na panahon ng paninigarilyo.
6. Pulmonya
Ang pulmonya o pneumonia ay isang nakakahawang sakit na dulot ng impeksyon ng ilang malalakas na uri ng mikrobyo (bacteria, virus, fungi) sa daluyan ng paghinga. Ang mga bacteria, virus, at fungi na nakapagdudulot ng pulmonya ay maaaring makuha sa trabaho, sa lansangan, sa ospital, sa eskuwelahan. Kaakibat nito ang malalang pag-uubo na may kasamang plema, hirap sa paghinga, lagnat, at pagkakaroon ng tubig sa baga.
7. Tuberculosis (TB)
Ang tuberculosis o mas kilala bilang TB ay isa ring malalang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria sa daluyan ng paghinga. Ito ay lubhang nakakahawa at nakukuha sa pamamagitan ng pagkakalanghap ng maliliit na talsik ng laway mula sa apektadong tao. Maaaring madulot ito ng malalang pag-uubo na may plema, pag-uubo na may kasamang dugo, lagnat, at matinding pananakit ng dibdib. Ito ay maaaring gumaling sa pamamagitan ng matinding gamutan, ngunit nakamamatay kung mapapabayaan.