Mga paraan ng pag-iwas sa iba’t ibang impeksyon

Ang iba’t ibang mikrobyo at organismong nagpapasimula ng sakit ay maaaring makapasok o magdulot ng impeksyon sa katawan sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan. Maaari silang makapasok sa katawan sa pamamagitan ng mga bukas na sugat saanmang parte ng katawan, sa hangin na nilalanghap, mga kontaminadong pagkain at inumin, hindi ligtas na pakikipagtalik, at maging sa kagat ng insekto o hayop. Pero maaaring maiwasan ang mga impeksyong ito kung magiging maagap at maingat.

1. Ugaliin ang paghuhugas palagi ng kamay

Ang pinakasimple at pangunahing paraan ng pag-iwas sa maraming uri ng impeksyon ay ang regular na pag-huhugas ng kamay. Sa pamamagitan nito, maiiwasang maipasapasa at maikalat ang mga mikrobyo na siyang pinagmumulan ng sakit.

2. Tiyaking nakatatanggap ng bagong bakuna

Ang pagpapabakuna ay isang epektibong paraan din ng pag-iwas sa iba’t ibang sakit. Ang bakuna ay naglalaman ng pinahinang mga mikrobyo at virus, o kaya DNA material na nagmula sa mga ito upang makamuo ng sariling antibodies ang katawan kontra sa mga sakit. Siguraduhing bago ang bakuna na natatanggap ng katawan upang makaiwas sa iba’t ibang sakit.

3. Tiyaking malinis at ligtas ang pag-hahanda ng pagkain

Ang pagkain ng tao ay kinakailangang ligtas at malinis sa lahat ng oras. Ang kaunting pagpapabaya kasi sa paghahanda ng pagkain ay maaaring pag-ugatan ng impeksyon na dumadaan sa bibig (oral route).

4. Siguraduhing ligtas ang pakikipagtalik

Ang mga sexually transmitted disease (STD) o impeksyon na nakukuha sa pakikipagtalik ay nakakahawa lamang kung isinasagawa ang mga hindi ligtas na paraan ng pakikipagtalik. Kabilang dito ang hindi paggamit ng condom, pakikipagtalik sa iba’t ibang tao, at pagsasagawa ng oral o anal sex. Upang makaiwas sa mga STD, laging gumamit ng condom sa tuwing makikipagtalik.

5. Limitahan ang paggamit ng gamit ng iba

Maraming uri ng mga sakit, partikular sa balat, ang nakukuha sa paggamit ng mga gamit ng iba. Kaya naman, mabuting limitahan ang panghihiram lalo na kung hindi sigurado sa kalusugan ng taong paghihiraman ng gamit.

6. Mag-ingat sa pagbyahe sa ibang lugar

Laging mag-ingat sa pagbyahe sa ibang mga lugar. Ikonsidera at paghandaan ang posibilidad ng pagkakahawa sa sakit na talamak sa isang lugar. Magsaliksik muna kung mayroong epidemiyang kumakalat sa lugar na patutunguhan at magpabakuna rin kung kinakailangan.

7. Palakasin ang resistensya ng katawan

Ang pagpapalakas sa depensa ng katawan ay isa ring mahusay na paraan para maiwasan ang pagpasok ngm ga organismong nagpapasimula ng sakit. Palakasin ang resistensya sa pamamagitan ng pagpapanatiling malusog ang pangangatawan.