Sa ngayon, wala pang bakuna na makapipigil sa pagkakahawa sa sakit na MERS o Middle East Respiratory Syndrome. Kaya naman, malaki ang magiging papel ng pagiging maagap at malinis sa sarili upang maiwasan ang impeksyon ng MERS-CoV. Ang sumusunod na mga hakbang ay mahalagang sundin ng lahat lalo na sa mga lugar na napapabalitang may kaso ng MERS upang maiwasan ang pagkakahawa sa sakit.
- Regular na maghugas ng kamay. Gawin nang madalas ang paghuhugas ng kamay lalo na kung nanggaling sa labas, kakain pa lang, o kaya’y kakagamit pa lang ng palikuran. Tiyakin din na tama ang paraan ng paghuhugas ng kamay. Maaari ding gumamit ng mga hand sanitizer kung walang sabon at tubig.
- Ugaliing magtakip ng ilong at bibig. Kung lalabas sa mga pampublikong lugar, siguraduhing may proteksyon sa ilong at bibig. Ang pagsusuot ng facemask ay makatutulong na proteksyonan ang sarili.
- Iwasan ang paghawak sa mata, ilong at bibig. Ang virus na nagdudulot ng sakit na MERS ay maaaring pumasok sa katawan sa pamamagitan ng paghawak sa mata, ilong, at bibig. Iwasan ang paghawak sa mga bahaging ito lalo na kung kakagaling pa lamang sa pampublikong lugar.
- Iwasan ang malapitang pakikisalamuha. Ang paghalik, paggamit ng iisang kubyertos at inuman ay maaaring pagmulan ng pagkakahawa sa sakit na MERS. Iwasan ang ganitong malapitang pakikisalamuha lalo na sa mga lugar na may napapabalitang kaso ng MERS.
- Regular na maglinis ng paligid. Siguraduhing malinis ang paligid sa lahat ng panahon. Patayin ang virus na sanhi ng sakit na MERS sa pamamagitan ng pagdidisinfect sa lahat ng lugar na maaaring kapitan nito, gaya ng hawakan ng pintuan, remote control, at telepono.
Kung sakali naman na nagpositibo sa sakit na MERS, o kaya’y sinailalim sa obserbasyon dahil pinaghihinalaang positibo sa sakit, mabuting sundin ang mga sumusunod na hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng MERS-CoV.
- Isailalim ang sarili sa quarantine. Huwag lalabas ng bahay kung hindi din naman mahalaga ang pupuntahan. Makabubuti kung ikukulong ang sarili at iiwasan ang direktang pakikisalamuha sa ibang tao, maging sa mga kasambahay. Ito ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang pagkalat ng virus na sanhi ng sakit.
- Bantayan ang mga sintomas na nararanasan. Maging alisto sa mga sintomas na maaaring maranasan. Agad na ipaalam sa doktor kung magkakaroon ng lagnat, ubo, sipon, pananakit ng mga kalamnan, at pagbigat ng pakiramdam.
- Tumawag muna sa doktor bago bumisita. Kung kakailanganin namang magpatingin sa doktor, tiyakin na maabisuhan muna ang doktor bago magtungo sa ospital. Ito ay upang makapaghanda ang ospital at maagapan ang pagkakahawa ng sakit sa ibang mga pasyente.
- Magsuot ng face mask. Laging magsusuot ng face mask saan man magtutungo.
- Magtakip ng ilong at bibig kung babahing o uubo. Kung sakaling walang proteksyon sa mukha, tiyaking matatakpan ng panyo ang ilong at bibig kung sakaling babahing o uubo nang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat ng virus.
- Regular na maghugas ng kamay. Lagi ring maghuhugas ng kamay sa lahat ng panahon. Dapat alalahanin na maaari ding maipasa ang virus mula sa kamay ng taong apektado ng sakit patungo sa ibang tao o sa mga bagay na mahahawakan.
- Magkaroon ng sariling gamit. Upang maiwasan din na maikalat ang virus, dapat lamang na magkaroon ng mga sariling gamit. Iwasang ibahagi ang mga personal na gamit at mga kagamitan sa pagkain at pag-inom nang hindi kumalat ang sakit na MERS.