Ayon sa mga dalubhasa, naging mas madalas ang pagtatalik ng mga magkasintahan at mag-asawa ngayong panahon ng COVID-19, bunsod na rin ng pananatili ng karamihan ng mga tao sa kani-kanilang mga tahanan. Isa sa mga naging epekto nito ay ang mas mabilis na pagkalat ng mga nakahahawang sakit, partikular na ang mga karamdamang dulot ng hindi ligtas na pakikipagtalik.
Matagal-tagal na ring napapansin ng mga dalubhasa na tila dumarami ang kaso ng HIV/AIDS at iba pang sexually transmitted diseases (STDs) sa Pilipinas, pahiwatig na marami sa mga magkasintahan ang hindi nag-iingat, at marami ring indibidwal ang hindi nagagawang pagkaingatan ang kanilang sarili para sana hindi mahawa at makapanghawa ng ibang tao.
Ang maikling lathalaing ito ay isinulat upang maging gabay kung nais mong malaman ang ilan sa mga maari mong gawin para hindi mahawa o makapanghawa ng mga STD. Dito, tatalakayin namin ang ilan sa mga pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng mga STD, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Alamin ang Mga Magagamit na Bakuna at Prophylactic Medicines
Marami sa atin ang nakararanas ng ibayong lungkot at pangungulila ngayong panahon ng pandemya, kaya naman hindi na nakapagtataka na may mga magkasintahan na gagawin ang lahat—pati na ang hindi pagtalima sa mga alituntuning pangkalusugan—makapiling lamang ang isa’t isa. Meron ding mga indibidwal na gugustuhin talagang lumabas ng bahay makita lang ang taong nakilala nila sa social media o sa isa sa mga dumaraming dating sites.
Kung ang taong balak mong makatagpo ay hindi mo asawa o hindi kasalukuyang naninirahan sa parehong bahay na tinitirhan mo, mainam na sumunod sa paalala ng mga eksperto at magpabakuna muna laban sa COVID-19. Ito ay isa sa mga pinakamabisang paraan upang mabawasan ang panganib na dala ng COVID-19.
Subalit bukod sa bakuna laban sa COVID-19, alam mo ba na maari ka ring makinabang sa mga tinatawag na pre-exposure prophylactic medicines para naman makaiwas sa mga STDs? Halimbawa, ang gamot na emtricitabine-tenofovir o Truvada ay maaring gamitin upang mapigilan ang pagkahawa ng HIV/AIDS. Meron ding bakuna laban sa human papilloma virus, ang pathogen na siyang nagdudulot ng genital warts at maging ng cervical cancer sa mga kababaihan at penile cancer naman sa mga kalalakihan.
Maiging magpakonsulta sa iyong doktor upang malaman ang iba pang mga preventive medications na maari mong pakinabangan upang maiwasang mahawa ng mga STD, lalo na kung marami kang kapareha sa pakikipagtalik.
Subukang Gumamit ng Sex Toys
Pakatandaan na ang tanging 100% paraan para makaiwas sa pagkahawa ng STD ay ang sexual abstinence o ang hindi pakikipagtalik. Maraming dahilan kung bakit may mga taong ito ang pinipiling gawin, at kabilang na rito ang pag-iwas nga sa mga STD.
Bilang alternatibo, marami sa mga taong pinipili ang sexual abstinence ang gumagamit ng mga tinatawag na sex toys. Ito ay mga adult toys na ginagamit ng mga taong nasa hustong gulang upang magparaos kahit na wala silang kapareha sa pakikipagtalik. Ilan sa mga halimbawa nito ay vibrators, dildos, butt plugs, fleshlights, at anal beads. Kung hindi ka sigurado kung alin sa mga ito ang maaari mong gamitin o hindi mo alam kung saan makakabili ng mga ganitong produkto, maaari namang magpunta sa internet at i-search lamang ang mga salitang “buying sex toys in the Philippines.” Sa ganitong paraan, makikita mo ang mga online stores na posibleng pagbilhan ng mga ganitong bagay, at makahahanap ka rin ng impormasyon kung paano sila gamitin.
Ang mga sex toys ay ginagamit rin ng mga taong may kasintahan, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Bilang maraming mag-asawa o mag-nobyo’t nobya ang hindi nagkikita nang personal ngayon, ginagamit nila ang sex toys upang i-simulate o gayahin ang akto ng pakikipagtalik sa isa’t isa. Halimbawa, may ilang mga sex toys na maaaring mong ikabit sa Wi-Fi at ipakontrol sa iyong kasintahan. Sa ganitong paraan, para na rin kayong nakikipagtalik sa isa’t isa.
Laging Gumamit ng Condom
Hindi lang proteksyon laban sa pagbubuntis ang condom; mabisang paraan din ang paggamit nito upang mapigilan ang paglaganap ng mga STD tulad ng HIV/AIDS, syphilis, at tulo (gonorrhea). Ang mga virus o bacteria na nagdudulot ng STD ay naipapasa bunsod ng pakikipagtalik o sexual contact. Kabilang dito ang oral sex, vaginal sex, at anal sex.
“Supot” ang madalas na tawag sa condom dahil gawa ito sa goma na bumabalot sa ari ng lalaki. Sapagkat nagsisilbing hadlang ang condom upang hindi magdiit ang mga maseselang bahagi ng katawan ng magkasintahan o magkapareha—at balakid din ito sa mga bodily fluids gaya ng tamod, dugo, laway, at likidong nagmumula sa ari ng babae—ito’y mabisang proteksyon nga laban sa mga STD.
Kung nahihirapang kang gumamit ng condom, sundin lamang ang mga payong ito:
- Tiyaking matigas na ang iyong ari bago ito suutan ng condom.
- Balutin ang kabuuan ng iyong ari. Hindi sapat ang proteksyon ng condom kung ulo lang ng ari o kalahati lang nito ang nakasupot dahil mas mabilis mahuhubad ang condom habang nakikipagtalik.
- Huwag huhubarin ang condom habang nasa loob pa ng puwerta, tumbong, o bibig ang iyong ari. Hawakan ang puno ng ari at ipitin ang condom sa daliri upang matiyak na hindi ito mahubad at hindi rin tutulo ang iyong tamod.
- Huwag gamiting muli ang condom na nagamit na. Itapon na ito kaagad at gumamit ng panibagong condom kung makikipagtalik ulit.
Manatiling Tapat sa Asawa, Nobyo, o Nobya
Isa sa pinakamabisang paraan ng pagpigil ng pagkalat ng mga STD ay ang pagiging matapat sa ating mga pinakamamahal: ang ating asawa, kinakasama, nobyo, o nobya. Kapag hindi tayo sumasama sa kung kani-kanino lang at hindi natin inilalagay ang sarili natin sa mga sitwasyon na mapanukso, matitiyak natin ang ating sariling kalusugan at pati na rin ang kalusugan ng relasyon natin sa mga nagmamahal sa atin.
Kung may asawa ka na at nakakaramdam ka ng matinding libog, bakit hindi mo na lang yayaing makipagtalik ang asawa mo? Marahil, marami na kayong pinagsamahan, at ang muling pagtatalik ay mabisang paraan upang lalo pang mapagyaman at mapalalim ang inyong samahan.
Sa kabilang banda, kung hindi mo makasama ngayon ang iyong kasintahan dahil sa COVID-19 o sa anumang dahilan, marami pa ring paraan upang magparaos nang hindi nanloloko. Gaya nang nabanggit sa taas, pwedeng-pwede pa rin kayong magniig gamit ang mga sex toys, na maari ninyong sabay na gamitin habang nagpo-phone sex o nagpapalagayang-loob gamit ang internet.
Hindi lamang patunay ng pagmamahal sa kasintahan ang pag-iwas sa anumang uri ng STD. Pangangalaga rin ito ng ating mga sarili, para matiyak nating mapayapa at matiwasay ang ating buhay dito sa mundo.