Sa pagsapit ng pasko, hindi maiiwasan ang sunod-sunod na handaan. Kabi-kabilaan ang mga christmas party at kainan. Likas ito sa mga Pinoy, mahilig sa mga salo-salo. Ngunit kasabay ng mga kasiyahang ito, dapat ay maging maingat, maagap at responsable pa rin sa sariling kalusugan. Hinay-hinay lamang sa pagkain, piliing mabuti ang mga kakainin, at iwasan ang mga dapat iwasan. Ang mga sakit na maaaring maranasan ay konektado sa mga pagkain ngayong pasko.
Narito ang ilan sa mga sakit na dapat bantayan sa panahon ng selebrasyon ng Pasko:
Impatso
Image Source: www.hopkinsmedicine.org
Hinay-hinay lang sa pagkain at baka maimpatso ka. Ang impatso, o hindi natunawan, ay ang sakit na nararanasan kapag walang humpay at sunod-sunod ang pagkain na kinakain. At dahil dito, maaaring makaramdam ng pananakit ng tiyan, pagbigat ng pakiramdam, at pagsusuka. Dapat tandaan na ang tiyan ay napapagod din sa pagtunaw ng pagkain kung kaya’t kailangan din nito ang pahinga. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na impatso o hindi natunawan: Sakit na Impatso.
Paano ito maiiwasan: Dahan-dahan lamang sa pagkain at bigyan ang tiyan ng pahinga. Lagyan ng agwat na 3 oras ang bawat kainan. Nguyain din na mabuti ang kinakain, at kung busog na, ‘wag nang pilitin pang kumain.
Heartburn
Image Source: www.needhamgastro.com
Tulad din ng impatso, ang heartburn ay maaaring maranasan kung walang humpay at walang pahinga ang tiyan sa pagkain. Dito’y nakararanas ng hapdi na tila umiinit ang loob na bahagi ng dibdib dahil sa pag-akyat ng laman ng tiyan (stomach) patungong esophagus marahil dahil sa sobrang kabusugan. Ang mga acid na nagmumula sa tiyan ang nagsasanhi ng mainit na pakiramdam sa dibdib. Basahin ang mga pagkain na dapat iwasan kung may hyperacidity: Mga pagkain na dapat limitahan kapag may hyperacidity.
Paano ito maiiwasan: Dahan-dahan lamang sa pagkain at bigyan ang tiyan ng pahinga. Lagyan ng agwat na 3 oras ang bawat kainan. Nguyain din na mabuti ang kinakain, at kung busog na, ‘wag nang pilitin pang kumain. Mas mataas ang posibilidad na maranasan ang heartburn kung sinasabayan ng alak ang pagkain, kaya’t makabubuti na umiwas din sa alak.
Altapresyon
Image Source: www.drweil.com
Sa mga indibidwal na may kasaysayan na ng altapresyon o highblood sa pamilya o sa sariling kalusugan, dapat ay piliin na ang mga pagkain na kakainin sa mga handaan. Ang taong inaatake ng altapresyon ay maaaring makaranas ng di kumportableng pakiramdam, paninikip ng batok, at pagkahilo. Kung mapapabayaan, maari itong humantong sa atake sa puso. Alamin kung anong mga pagkain ang dapat iwasan ng taong dumaranas ng altapresyon: Mga pagkain na dapat iwasan kung may altapresyon.
Paano ito maiiwasan: Ang pagkakaroon ng altapresyon ay sinasabing konektado sa pagkain ng matataba, mamantika at maaalat na pagkain, kung kaya makabubuti na ang mga ito ay iwasan. Iwasan na ang lechon, kaldereta, kare-kare at iba pang matatabang pagkain. Iwasan din ang alak. Tiyakin din ang regular na pag-eehersisyo.
Atake sa Puso
Image Source: www.freepik.com
Ang sakit na atake sa puso ay minsa’y konektado sa altapresyon. Kung kaya’t nakakabahala na baka humantong sa atake sa puso ang kawalan ng kontrol sa pagkain. Laging tatandaan na ang atake sa puso ay nakamamatay. Basahin ang mga senyales na maaaring mapansin kung may sakit sa puso: Mga senyales ng lumalalang sakit sa puso.
Paano ito maiiwasan: Makabubuting umiwas na sa mga pagkain na pinagbabawal kung nasa kasaysayan ng pamilya ang atake sa puso. Ang mga mamanika at matatabang pagkain na madalas nating nakikita sa mga handaan ang kadalasang nagmimitsa ng atake sa puso.
Diabetes
Image Source: www.npr.org
Ang mga taong mayroong diabetes ay dapat na maging maingat din sa mga pagkaing kakainin sa mga handaan sa pasko. Ito ang sakit na tumutukoy sa kawalan ng abilidad ng katawan na maibigay ng wasto ang asukal sa iba’t ibang bahagi ng katawan upang magamit bilang enerhiya. Dahil sa kondisyon na ito, naiipon ang asukal sa dugo. Hindi makabubuti na magdagdag pa ng asukal sa katawan kung kaya’t dapat ay hinay hinay na rin ang pagkain na may mataas na sugar content. Basahin ang mga alternatibong pagkain na maaaring kainin ng taong may sakit na diabetes: Mga alternatibong pagkain para sa may diabetes.
Paano ito maiiwasan: Umiwas sa mga pagkain na mataas na lebel ng asukal. Alamin ang mga pagkain na may mababaang glycemic index.
Sakit sa atay
Imae Source: www.medicalnewstoday.com
Hindi rin maiiwasan ang mga inuman kasabay o pagkatapos ng mga handaan. Kung kaya’t nangaganib din ang atay. Ang sobrang alak ay maaaring magdulot ng sakit sa atay tulad ng liver cirrhosis. Ang atay na nakakaranas ng cirrhosis ay makapagpapahina sa katawan, at makapagdudulot pa ng ibang sintomas gaya ng kawlan ng gana kumain, paninilaw ng balat, at lagnat. Basahin ang mga pagkain na maaaring kainin ng taong may sakit sa atay: Mga pagkain na mabuti sa atay.
Paano ito maiiwasan: Hinay-hinay lamang sa pag-inom. Limitahan ito at kung maaari, huwag gawing araw-araw.