Ang ipis ay isang pangkaraniwang peste sa bahay na madalas nating nakikitang gumagapang sa mga basurahan at maduduming lugar. Ang mga nabubulok na basura at mga natirang pagkain kasi ang pagkain ng mga insektong ito, kaya naman hindi kataka-taka na kadikit na ng salitang ipis ang pagiging madumi ng isang lugar. Dahil sa maduming pamumuhay ng mga ipis, hindi malayong kapitan ito ng iba’t ibang mikrobyo at bacteria na makapagdudulot ng sakit sa tao lalo na kung magagapangan nila ang mga malinis na pagkain. Narito ang mga karaniwang sakit na maaaring ikalat ng ipis.
1. Pagtatae o diarrhea
Ang pinakakaraniwang sakit na maaaring makuha sa ipis ay ang karaniwang pagtatae o diarrhea. Dito’y dumadanas ng matubig at pabulwak na pagdumi. Dulot ito ng ilang uri ng bacteria gaya ng Escherichia coli, at Aeromonas spp. na parehong makikita sa ipis. Alamin ang mga posibleng sanhi ng pagtatae na nararanasan: Pagtatae na hindi nawawala, ano ito?
2. Cholera
Ang pagkain o inumin na kontaminado ng bacteria na Vibrio cholerae ay maaaring magdulot ng sakit na cholera. Ang sakit na ito ay nagdudulot din ng matinding pagtatae na kung hindi maaagapan ay maaaring magdulot ng dehydration sa katawan. Ang ipis ay nakitaan din ng bacteria na Vibrio cholerae. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na cholera: Kaalaman sa sakit na Cholera.
3. Typhoid Fever
Ang typhoid fever ay isang malalang sakit na nagdudulot ng mataas at pabalikpablik na lagnat, pagdudumi, pananakit ng kalaman, at panghihina ng buong katawan. Ito ay dulot ng bacteria na Salmonella na karawaniwan ding makikita sa ipis. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na typhoid fever: Kaalaman sa Typhoid Fever.
4. Polio
Ang polio o poliomyelitis ay isang sakit na dulot naman ng impeksyon ng poliovirus. May dalawang uri ng sakit na ito: ang una ay magdudulot ng paglalagnat lamang, at ang pangalawa maaaring humantong sa pagkaparalisa at panliliit ng mga binti. Natuklasan din na sumasama sa mga ipis ang poliovirus. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na polio: Kaalaman sa sakit na Polio.
5. Ketong
Ang ketong naman ay dulot din ng impeksyon ng bacteria na Mycobacterium leprae. Kapag ang bacteria na ito ay sumama sa pagkaing kakainin, maaaring maranasan ang mga sintomas ng ketong gaya ng pagbabago sa anyo ng balat tulad ng pagkakaroon ng mga bukol-bukol, pamamanas, pag-umbok, at pangungulubot; gayun din ang pagkawala ng pakiramdam sa ilang bahagi ng katawan sa pagkakaroon ng sakit na ito. Maaari ding kumapit ang bacteria na ito sa mga ipis. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na ketong o leprosy: Kaalaman sa sakit na ketong.
6. Urinary Tract Infection (UTI)
Ang ilang mga bacteria gaya ng Alcaligenes faecalis, Enterococcus spp., at Klebsiella spp., na nakapagdudulot ng UTI ay nakita ring sumasama sa mga ipis. Kung ang mga ito ay sumama sa pagkain o inumin at nakarating as daluyan ng ihi, maaaring magsimula ang pagkakaroon ng sakit. Magiging mahirap at masakit ang pag-ihi, o kaya’y magkaroon ng pagdurugo sa ihi kung may UTI.
7. Dysenteria
Ang dysenteria ay isang uri din ng sakit kung saan dumaranas ng lagnat, pananakit ng sikmura, at pagtatae na maaaring may kasamang dugo. Dahil ito sa pagusugat at pamamaga ng mga lining ng bituka dahil sa impeksyon ng bacteria na Shigella dysenteriae. Ang bacteria na nabanggit ay maaaring dalhin ng mga ipis.
8. Matinding pananakit ng tiyan (Gastroenteritis)
Ang ilan pang uri ng bacteria na maaaring dala ng ipis ay Alcaligenes faecalis, Proteus mirabilis, Pseudomonas spp., at Salmonella spp. Ang mga ito ay pareparehong makapagdudulot ng pamamaga sa lining ng sikmura o gastroenteritis kung saan makakaranas ng matinding pananakit sa tiyan.