Mga sakit na maaring makuha sa kagat ng lamok

Bukod sa pamamantal at pangangati sa balat, ang kagat ng lamok ay maaaring may dala rin na seryosong mga sakit. Kapag ang lamok ay nakakagat sa isang hayop o tao na apektado ng isang partikular na sakit, ang virus o parasitiko ay maaaring kumapit sa laway ng lamok, at saka makakahawa sa susunod na biktima na kaniyang kakagatin. Sa buong mundo, hindi bababa sa 1 milyong tao ang apektado ng mga sakit na nakuha mula sa kagat ng lamok kada taon. At kabilang sa mga sakit na ito ang Dengue Fever at Malaria na kilalang pinoproblema ng Pilipinas.

1. Dengue Fever

Ang dengue ay isa sa mga pinakalaganap na sakit na nakukuha mula sa lamok. Ang sakit ay nakaaapekto at pinoproblema pa rin hanggang sa ngayon sa maraming bansa sa America, Africa, at Asya, kabilang na ang Pilipinas. Ang seryosong sakit ay dulot ng isang uri ng virus na naipapasa ng mga lamok na Aedes aegypti at Ae. albopictus. Ito’y nagdudulot ng matinding lagnat na maaaring makamatay kung mapapabayaan. Magbasa tungkol sa sakit na dengue fever.

2. Malaria

Ang malaria ay sakit na matagal nang natukoy magmula pa sa mga lumang panahon ng Tsina at Sumerya. Ang sakit ay dulot ng parastikong plasmodium na sumasama sa kagat ng lamok na Anopheles. Ito ay isang malalang sakit na na nagdudulot ng pabalik-balik na lagnat at nakamamatay kung hindi magagamot. Ito’y nakaaapekto sa maraming bansa na nasa rehiyong tropiko, kabilang na ang Pilipinas. Wala pa ring gamot o bakuna na makalulunas sa sakit na ito. Magbasa tungkol sa sakit na malaria.

3. Chikungunya

Isa ring sakit na dulot ng virus ang chikungunya na pinakalaganap sa mga isla ng Caribbean sa Gitnang Amerika. Ito ay may sintomas na lagnat at matinding pananakit sa mga kasukasuan. At tulad ng dengue, kinakalat din ito ng lamok na Aedes aegypti at Ae. albopictus. Sa ngayon ay wala pa ring gamot o bakuna laban sa sakit na ito. Magbasa tungkol sa sakit na chikungunya.

4. Yellow Fever

Ang yellow fever ay isa ring lumang sakit na nakaaapekto sa mga mga bansang nasa rehiyong tropiko sa Amerika at Africa. Bagaman ang sakit na ito ay hindi na masyadong laganap dahil sa nabuong bakuna laban dito, umaabot pa rin sa halos 200,000 kaso ng sakit kada taon, at pagkamatay na umaabot sa halos 30,000 kada taon.

5. Eastern Equine Encephalitis (EEE)

Ang Eastern Equine Encephalitis o EEE ay isang sakit na naipapasa ng lamok mula sa mga kabayo papunta sa tao. Ang sakit na ito, na dulot ng virus, ay nakaaapekto sa utak ng tao at maaaring magdulot ng malulubhang komplikasyon at maging pagkamatay kung mapapabayaan. May sintomas ito na lagnat, pananakit ng ulo at matinding sore throat. Ikinakalat ito ng mga lamok na Culex species at Culiseta melanura sa mga lugar sa Amerika at sa mga isla ng Caribbean.

 6. St. Louis Encephalitis (SLE)

Ang St. Louis Encephalitis naman ay sakit na naipapasa ng lamok mula sa ibon papunta sa mga tao at iba pang hayop. Laganap ito sa bansang Estados Unidos at sa mga isla ng Caribbean. Higit na nakaaapekto sa mga bata na ang edad ay 20 pababa at sa mga matatanda na may edad 50 pataas. May sintomas din na kahalintulad ng EEE, at naikakalat ng lamok na Culex species.

7. LaCrosse Encephalitis (LAC)

Ang LaCrosse Encephalitis o LAC ay bibihira lamang na sakit at naikakalat lamang ng lamok na Aedes triseriatus sa mga lugar sa sa paligid ng rehiyong Appalachian sa Hilagang Amerika. Bihira ang kaso ng pagkamatay sa sakit na ito.

8. West Nile Virus (WNV)

Ang West Nile Virus o WNV ay sakit na nagmula sa Africa at kumalat sa mga bansa sa Europa at Gitnang Silangang Asya. Tulad ng SLE, ang WNV ay naikakalat ng lamok (mula sa Culex species) mula sa mga ibon patungo sa mga tao at iba pang hayop. Kadalasang walang sintomas na nararanasan sa pagkakaroon ng WNV, ngunit ito ay maaaring makamatay dahil sa pamamaga ng utak.