Mga sakit na maaring makuha sa sobrang timbang o obesity

Ang pagkakaroon ng sobra-sobrang timbang o kondisyon na obesity ay hindi lamang problema sa pisikal na anyo bagkus ay tinuturing din na problema sa kalusugan. Ito’y sapagkat ang pagiging sobrang taba ay nagtataas ng panganib ng pagkakaroon ng iba’t ibang malalalang sakit.

Ang sumusunod ay ilan sa mga kilalang sakit na may koneksyon sa sobrang katabaan.

1. Sakit sa puso

Image Source: cyclingtips.com

Mas mataas ang posibilidad na mamuo at mabarahan ang mga ugat na nagsusuplay ng dugo sa puso (coronary artery) sa mga taong may sobrang timbang. Dahil dito, mas tumataas din ang posibilidad na makaranas ng pananakit ng dibdib (angina) o kaya naman ay atake sa puso. Basahin ang mga senyales ng pagkakaroon ng sakit sa puso: 10 Senyales ng Sakit sa Puso.

2. Altapresyon

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Mas tumataas din ang pagkakaranas ng altapresyon o pagtaas ng presyon ng dugo kung ang timbang ay mananatiling sobra sa normal. Kaugnay nito, maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas gaya ng pagkahilo at pamamanhid ng katawan. Dahil din sa altapresyon, mas tumataas din ang panganib ng stroke at pagkakaroon ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Basahin ang mga pagkain na dapat iwasan ng taong dumaranas ng altapresyon: Mga pagkain na dapat iwasan ng may altapresyon.

3. Stroke

Image Source: quadriciser.com

Ang stroke ay ang kondisyon kung saan ang napipigilan ang maayos na pagdaloy ng dugo sa utak. Maaring dahil ito sa pagbabara ng mga ugat o kaya naman pagputok ng ugat sa utak. Maaaring ikamatay ang pagkakaranas nito o kaya ay magdulot ng pagkabaldado ng kalahiti ng katawan. Siyempre pa, ang mga taong obese ay may mas mataas na panganib na makaranas ng stroke. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na stroke: Kaalaman sa sakit na stroke.

4. Diabetes

Image Source: www.npr.org

Ang diabetes ay ang sakit kung saan nawawala ang abilidad ng katawan na kontrolin ang lebel ng asukal sa dugo. Dahil dito, maaaring tumaas nang husto o kaya’y bumagsak nang husto ang lebel ng asukal sa dugo, at pareho itong may masamang epekto sa kalusugan. Karamihan sa mga taong may malalang kondisyon ng daiabetes ay may mataas ding timbang. Basahin ang mga tips na makatutulong sa may sakit na diabetes: Tips sa pangangalaga ng kalusugan ng may diabetes.

5. Kanser

Image Source: www.newscientist.com

Higit na mataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser, partikular ang kanser sa bituka (colon cancer), dibdib (breast cancer), matres (endometrial cancer), sa mga taong matataba at sobra ang timbang.

6. Osteoarthritis

Image Source: curearthritis.org

Dahil sa sobrang bigat na dinadala ng katawan, maaaring makaranas ng arthritis o pananakit ng mga kasukasuan sa katawan. Nadadagdagan kasi ang pasan-pasan na bigat ng mga kasukasuan at napapabilis ang pagkasira ng mga kalamnan na nakapalibot dito.

7. Hirap sa paghinga habang tulog (Sleep Apnea)

Image Source: www.cnet.com

Isa rin sa mga karaniwang problema ng mga matataba ay ang hirap sa paghinga kapag natutulog. Ang sobra kasing taba na bumabalot sa leeg ay maaaring dumiin sa daluyan ng paghinga at maharangan ang maayos na daloy ng hangin.

8. Bato sa apdo

Image Source: www.netdoctor.co.uk

Ang sobrang taba sa katawan ay nakadaragdag din ng posibilidad ng pagkakaaroon ng mga bato sa apdo o gallstone. Ang mga naipon kasi na taba sa katawan ay maaring mamuo sa apdo at maging maliliit na bato na kung gumulong papunta sa mga daluyan ng bile, ay maaring magdulot ng pagbabara at pamamaga. Kinakailangan dito ang agarang operasyon. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa pagkakaroon ng bato sa pado o gallstone: Kaalaman tungkol sa gallstone.

9. Pagkabaog

Madalas ding nagiging problema ng mga taong may sobrang timbang ang kakayanan na makabuo ng anak.

10. Sobrang kolesterol sa dugo

Image Source: www.diabetes.co.uk

Hindi malayong magkaroon ng mataas na lebel ng taba at kolesterol sa dugo ang mga taong sobra ang timbang. Ang pagkakaroon ng masamang kolesterol sa dugo ay iniuugnay sa iba’t ibang sakit gaya ng stroke, altapresyon, at sakit sa puso. Basahin ang ilang mga pagkain na mataas sa nakakasamang cholesterol: Mga pagkain na mataas sa masamang cholesterol.