Hindi na bago sa pandinig ang pagkakaroon ng masasamang epekto ng sobrang pag-inom ng alak. Taon-taon, libo-libo ang namamatay sa buong mundo dahil sa karamdaman sa atay na dulot ng sobrang alak sa katawan. Marami din ang napapabalitang namatay dahil sa mga aksidente na may koneksyon pa rin sa alak. Ngunit kung inaakala niyo na sakit sa atay at aksidente lamang ang masamang naidudulot ng sobrang alak, nagkakamali kayo. Sa katunayan, mayroong halos 60 na uri ng sakit ang may kaugnayan sa maabusong pag-inom ng alak.
Narito ang ilan sa mga karamdaman na maaaring makuha mula sa sobrang pag-inom ng alak.
1. Anemia
Ang sobrang alak sa katawan ay maaaring makaapekto sa dugo. At kung ito ay magpapatuloy, maaaring humantong ito sa sakit na anemia. Bumababa kasi ang lebel ng oxygen sa dugo kung madalas na umiinom ng alak, at dito nagsisimula ang sakit na anemia. Kaugnay ng sakit na ito, maaaring maranasan ang madalas na pagkahilo, hirap sa paghinga at madaling pagkapagod.
2. Cancer
Ang madalas din na pag-inom ng alak ay maaaring maiugnay sa pagkakaroon ng kanser ayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa. Dahil ito sa kemikal na acetaldehyde na isang carcinogen na nakukuha kapag umiinom ng alak. Ang mga bahaging nanganganib na pagsimulan ng kanser ay sa bibig, lalamunan, atay, bituka, suso, at sa tumbong.
3. Cardiovascular disease
Mas tumataas din ang panganib ng pagkakaroon ng sakit sa daluyan ng dugo (cardiovascular) dahil sa madals na pag-inom ng alak. Kabilang sa mga sakit na tinutukoy dito ay stroke at atake sa puso na parehong nakamamatay. Naaapektohan kasi ng alak ang mga platelets sa dugo na kung magpapatuloy ay maaaring humantong sa pamumuo ng dugo sa isang bahagi ng ugat na daluyan. Nanghihina rin ang mga kalamnan ng puso kung mapapasobra ang alak sa dugo.
4. Pagkasira ng atay (Cirrhosis)
Ang pinakakilalang masamang epekto ng alak sa kalusugan ay ang pagkasira ng laman ng atay o cirrhosis. Sinisipsip kasi ng atay ang sobrang alak sa dugo na siya namang lumalason dito at humamantong sa pagkasira ng mga laman nito. Ang malalang kondisyon ng cirrhosis ay hindi na malulunasan pa ng mga gamot. Kakailanganing mapalitan ang nasirang atay sa pamamagtan ng transplantasyon.
5. Pagkalimot (Dementia)
Ang talas ng pag-iisip ay natural na nababawasan sa pagtanda ng bawat tao. Ngunit sa taong madalas na umiinom ng alak, doble o triple ang bilis ng pagkasira ng mga cells sa utak kaya’t mapapaaga ang kanilang pagiging malilimutin.
6. Nerve damage
Apektado din ng sobrang alak ang mga nerves sa ilang bahagi katawan. Tinatawag na alcoholic neuropathy ang kondisyon na pagkasirang ito. Dahil dito, maaring dumanas ng pamamanhid sa ilang bahagi ng katawan, constipation o pagtitibi, at maging panghihina ng ari ng lalaki o erectile dysfunction.
7. Gout
Ang gout ay isang hindi komportableng karamdaman na nagdudulot ng matinding pananakit sa mga kasukasuan. Ito ay dahil sa pamumuo ng mga uric acid crystal sa mga kasukasuan. Ang sakit na ito ay kadalasang namamana o hereditary, ngunit napatunayan ng mga eksperto na maaaring mas tumindi ang kondisyon kung madalas na umiinom ng alak.
8. Altapresyon
Tinatawag na altapresyon o high blood pressure ang kondisyon ng pagpataas ng presyon ng dugo. At isa sa mga kilalang nakakapagpataas nito ay ang pag-inom ng alak. Dapat alalahanin na mataas ang panganib ng stroke at atake sa puso kung madalas na dumadanas ng altapresyon.
9. Impeksyon sa katawan
Isa rin sa masasamang epekto ng alak sa katawan ay ang pagpapahina nito sa resistensya ng katawan laban sa mga mikrobyong nagdudulot ng mga sakit. Mas mataas ang panganib ng pagkakahawa sa mga sakit kung madalas na umiinom ng alak.
10. Pagkasira ng pancreas (Pancreatitis)
Hindi lamang ang tiyan (stomach) at atay (liver) ang apektado ng tuloy-tuloy na pag-inom ng alak. Maging ang lapay o pancreas ay nanghihina rin ng pagkakaroon ng alkohol sa katawan. Kung masisira ang pancreas, maaaring dumanas ng madalas na pananakit ng tiyan at pagtatae.