Matapos ang sunod-sunod na kainan sa nakalipas na pasko at bagong taon, siguradong ang iba diyan ay napasarap at nawalan ng kontrol sa pagkain, kaya ngayon ay nagkaroon ng karagdagang timbang. Papaano nga ba manunumbalik ang dating timbang na nawala dahil sa napasobrang pagkain nitong kapaskuhan? Narito ang ilang tips para muling magpapayat at manumbalik ang nawalang magandang hugis ng katawan.
1. Mag-ehersisyo at maging aktibo. Makabubuti ang madalas na pag-eehersisyo sa bawat linggo. Maaaring magtungo sa gym at mag-talaga ng isang oras sa pagbabanat ng mga buto at kalamnan, o kaya naman ay mag-jogging ng 3 hanggang 4 na kilometro. Ang pagiging aktibo rin sa mga sports gaya ng basketball, pagsagwan, o kaya ay pag-akyat sa mga bundok ay mahusay din na paraan para mabawasan ang timbang dahil sa sobrang pagkain. Basahin ang kahalagahan sa buhay ng regular na pag-eehersisyo: Kahalagahan ng ehersisyo.
2. Pagkontrol sa kinakain. Ang pagdi-diyeta ay isa ring mahusay na paraan para hindi madagdagan pa ng timbang. Maaaring bawasan ang dami ng pagkain, halimbawa kung dati’y isang tasa ng kanin ang kinakain, gawin na lamang itong kalahating tasa. Umiwas din sa mga pagkaing nakakagana gaya ng maasin, mamantika at spicy na mga pagkain.
3. Umiwas sa mga matatamis na pagkain at softdrinks. Kung maaari, alamin ang calories sa mga label ng pagkain. Tandaan na ang sobrang calories sa mga kinain ay nagiging taba ng katawan. Umiwas muna sa mga matatamis na pagkain, pati na ang softdrinks, na may mataas na calories kung hindi naman masyadong kikilos sa buong mag-hapon. Basahin ang masasamang epekto ng sobrang asukal sa pagkain: Masasamang epekto ng sobrang asukal.
4. Kumain ng prutas at gulay. Sa halip na magdagdag ng carbohydrates sa katawan na kadalasang nakukuha sa mga kanin, tinapay, at matatamis na pagkain, kumain na laman ng masusustansyang prutas at gulay na mayaman sa bitamina at mineral. Maaari itong kainin o kaya ay katasin at gawing mixed fruit juice.
5. Uminom ng sapat na dami ng tubig. Mahalaga rin na panatilihing hydrated ang katawan sa pag-inom ng sapat na dami ng tubig. Sinasabing walong baso ng tubig ang dapat na inumin bawat araw. Ngunit siyempre, kung masyadong aktibo at mainit ang panahon, dapat ay uminom pa ng karagdagang dami ng tubig upang hindi madehydrate. Basahin ang importansya ng pag-inom ng tubig: Kahalagahan ng pag-inom ng tubig.
6. Disiplina at determinasyon. Sa huli, mahalaga din ang disiplina at determinasyon upang maisakatuparan ang pagnanais na manumbalik ang dating timbang.