Mga vitamins para sa buntis

Kung bago mo lang nalaman na ikaw ay buntis, malamang isa sa mga iniisip mo ay kung ano ang mga dapat inumin upang masigurong okay ang iyong baby. Ang totoo, taglay ng mga masusuntasyang pagkain, gaya ng gulay at prutas, ang mga bitaminang kailangan para sa isang ligtas na pagbubuntis. Subalit para matiyak na kumpleto ang mga bitamina, narito ang mga rekomendadong ‘supplementation’:

1. Folic Acid, hanggang ika-12 na linggo ng pagbubuntis. Rekomendado ang pag-inom ng 400 mcg na Folic Acid araw-araw hanggang sa ika-12 na linggo ng pagbubuntis. Ito ay para maka-iwas sa mga depekto sa spinal cord ng baby, na siyang napag-alamang maaaring may kaugnayan sa antas ng Folic Acid.

2. Vitamin D. Rekomendado din ang pag-inom ng 10 mcg na Vitamin D araw-araw sa buong pagbubuntis at habang nagpapasuso. Ito ay para makapagbigay ng Vitamin D sa baby na kailangan nya bilang isang sangkap sa paglaki ng mga buto-buto, at iba pa. Ang Vitamin D ay maaaring makuha sa balat na naaarawan, ngunit kung palagi kang nasa loob ng bahay, maaaring kailanganin mong uminom ng Vitamin D.

Tanging ang dalawang ito lamang ang rekomendado ng mga doktor na inumin ng lahat ng buntis, ngunit maaaring para sayo may iba pang angkop na bitamina. Halimbawa, ang pag-inom ng Iron tablets ay maaaring ireseta sa mga buntis na may anemia o kakulangan hemoglobin sa dugo na maaaring dulot ng kakulangan ng Iron. Maganda ring magkaron ng sapat na Vitamin C, ngunit ito ay maaaring makuha sa mga prutas at gulay.

Tandaan na hindi rin magandang masobrahan sa mga vitamins. Halimbawa, ang Vitamin A (retinol), na syang natatagpuan sa mga anti-acne na cream na may tretinoin, ay hindi dapat mapasobra dahil maaari itong makasama sa baby. Mahalagang makipag-ugnayan sa inyong OB-GYN tungkol sa wastong pag-inom ng iba’t ibang vitamins at minerals.