Nakagaganda ng Boses ang Pagkain ng Langgam

May mga nakapagsasabi na upang makamtan ang malagintong boses ng mga mang-aawit, bukod sa pagsasanay ng mahabang panahon, kinakailangang kumain ng langgam. Nakapagpapaganda daw ng boses ang pagkain sa mga maliliit na insektong gumagapang. Ngunit ito ba’y may katotohanan, o may basehan man lamang?

Walang kahit na anong siyentipikong pag-aaral ang makapagsasabing maaaring makatulong ang pagkain ng langgam sa pagpapaganda ng boses, kaya’t para sa mga alagad ng medisina, ang pamahiing ito ay hindi maasahan. Bagama’t may ilang pag-aaral at literatura ang tumutukoy sa katangian ng ilang kemikal o venom na makukuha sa langgam ay maaari daw makagamot ng ilang karamdaman gaya ng rayuma, sipon at pananakit ng ulo, wala pa rin makapag-uugnay sa mga langgam at sa larynx, ang bahagi ng lalamunan na pinagmumulan ng boses.

Bukod pa rito, dapat ding tandaan na maaring madumi ang langgam at makapagdulot ng sakit. Puwede rin makapagdulot ng allergy ang lason na mula sa langgam.