Sa panahon ngayon, parami ng parami ang mga tao na gumagamit ng cellphone. Ito ay higit na totoo sa Pilipinas, na tinaguriang “Texting capital” at “Selfie capital” ng mundo. Mapapansin din na kahit mga batang nasa elementarya pa lang ay sanay na sanay nang gumamit o di kaya’y may sarili nang cellphone na ginagamit. Kaya mahalagang masagot ang tanong: Nakaka-cancer ba ang paggamit ng cellphone? Atin itong alamin.
Ang katanungang ito ay nagmula sa agam-agam na maaaring magdulot daw ng abnormalidad sa pagbuo ng mga bagong cells sa katawan dahil sa radiation na nasasagap ng mga cellphone na ginagamit ng tao.
Ngunit base sa mga pag-aaral sa pangkasalukuyan, walang matibay na ebidensya ang makapagpapatunay na may kaugnayan ang paggamit ng cellphone sa pagkakaroon ng kanser. Wala pang kaso ng kanser ang maaaring maiiugnay mula sa paggamit ng cellphone. Halimbawa, sa 790,000 na kababaihan na kasama sa ang pag-aaral sa “Million Women Study”, walang nakitang kaugnayan sa paggamit ng cellphone at pagkakaroon ng brain cancer o 18 na iba panguri ng cancer.
Subalit dahil bago-bago pa lamang ang paggamit ng cellphone sa henerasyon natin ngayon, hindi natin matitiyak na talagang hindi nakadaragdag ng risk ang paggamit ng mga cellphone sa pagkakaroon nga ng kanser. Sa kabila nito, walang rason para mabahala sa paggamit ng cellphone ngunit hindi rin ito nangangahulugan tiyak na ngang ligtas at wala nang panganib na maaaring maidulot ang paggamit ng cellphone. Habang wala pang sapat na pag-aaaral ukol dito, makabubuting maging maingat at bigyan ang sarili ng limitasyon sa paggamit ng gadget na ito.