Q: gandang araw po.. hindi po b masama na dami akong iniinom na vitamins araw arw.. ascorbic acid, myra e, ska multivitamins amino acid… balak ko sana mag take p ng calci aid.. kaya ko po natanong ung liveraide para sna protkesyon dahil madami aq iniinom n vitamins.. at ano po pwede s akin n vitamins n meron po ung mga nabnngit q n iniinom ko in 1.. dati i take zentrum kaso my side effects po s akin…sana po mabasa nyo ang aking mga katanungan at masagot n rin po… salamt po, doc..
A: Una sa lahat, bakit mo ba iniinom ang sandamukal ng vitamins araw-araw? Bagamat maaaring may benepisyo ang iba’t ibang vitamins at maaaring makatulong sa iyong kalusugan, maraming mga gawain ang higit na mas makakatulong sa iyo, gaya ng pagsasanay sa sarili sa pag-iwas sa alak at paninigarilyo. Ang pag-inom ng vitamins ay hindi dapat asahan na maaaring makagamot sa lahat ng sakit, o isang proteksyon laban sa anumang sakit. Isa pa, kung umiinom ka na ng ‘multivitamins’, malamang nadoon na lahat kasama na ang ascorbic acid at iba pa.
Sa maraming kultura, ang salita nila para sa gamot at lason ay iisa naman. Marahil, kaya nagkaganito ay dahil alam nilang ang bawat gamot ay maaari ring maging lason sa katawan, kung hindi wasto ang paggamit nito, at kung mapasobra. Bagamat wala namang pag-aaral na nagsasabi na nakakasama ang multivitamins, isang mahalagang prinsipyo sa medisina ay ang hindi pag-inom ng kahit anong gamot kung hindi naman kailangan. Ang pag-inom ng iba pang gamot ay hindi rin makakapigil sa pagkakaroon ng side effects. Walang ebidensya na may anumang gamot o ‘vitamins’ na makakatulong sa atay (liver) at maiwasan ang pagkasira nito dahil sa pag-inom ng kung ano-anong gamot.
Sa huli, para sa akin, hindi maganda ang maraming iniinom na gamot, lalo na kung ang mga ito ay hindi naman kailangan. Lalong dapat iwasan ang mga di-umano’y “gamot sa atay” sapagkat wala namang ebidensya na ang mga ito’y talagang nakakatulong sa atay. Magpatingin sa iyong doktor upang ma-examine ka at mabigyan ka ng matapat na opinyon kung ano talagang mga gamot na kailangan mo, kung meron man.