National Nutrition Month 2015: Timbang iwasto sa tamang nutrisyon at ehersisyo

Ngayong buwan ng Hulyo, ginugunita ang National Nutrition Month sa bansa. At ngayong taon,  ito ay nakasentro ang kampanya sa pagpapakalat ng kaalaman tungkol sa sobrang timbang o obesity. Layon ng National Nutrition Council na malinang ang bawat Pilipino tungkol sa kahalagahan ng pagpapanatili ng tamang timbang sa pamamagitan ng tamang pagkain at pag-eehersisyo.

Ayon kasi sa mga ulat, mula sa 16.6% noong 1993, tumaas na sa 31.1% noong 2013 ang mga Pilipinong kabilang sa mga may sobrang timbang. Maaaring sabihin na 3 sa bawat 10 Pilipino ay obese o may sobrang timbang. At hindi lamang ito nakakaapekto sa mga matatanda bagkus sa mga kabataang Pilipino rin. Tinatayang 5% ng mga batang Pinoy ay obese, at 8.3% naman sa mga teenager.

Ayon sa FNRI, ang mabilis at mas madaling pamumuhay sa mga syudad ang dahilan kung bakit maraming Pilipino ang obese. Ang pagkakaroon ng mga fastfood, gayun ding ang mga trabaho na nakaupo lang sa opisina ay parehong nakaka-kontribyut sa pagtaas ng bilang ng sobrang timbang. Nawawala na din ang pagpapahalaga sa pagpaplano ng masustansyang pagkain sa mga tahanan.

Dapat alalahanin na ang sobrang timbang ay hindi mabuti sa kalusugan. Ang taong may sobrang timbang ay mas malapit sa mga sakit sa puso, altapresyon, stroke, diabetes, at iba pang mga sakit na maaaring magdulot ng kamatayan dahil sa mga komplikasyon.

Upang maisakatuparan ang mga adhikain ngayong taon, makikipag-ugnayan NNC sa ilang mga grupo at organisasyon na makatutulong ng husto sa kanilang kampanya. Kabilang dito ang mga lokal na pamahalaan, mga paaralan, ilang NGOs at mga pribadong sektor.