Magnesium

Ang magnesium ay isang mahahalagang mineral na kailangan ng tao upang mabuhay. Ito ang responsable sa higit 300 na prosesong kemikal sa katawan gaya ng pagkokontrol ng asukal sa dugo, pati na ang pagreregulisa ng presyon ng dugo. May silbi rin ito sa pagmementena ng maayos na paggana ng mga kalamnan at nerves, bukod pa sa pagpapanatiling malakas ng resistensya, pagsasaayos ng ritmo ng tibok ng puso, at pagpapatibay ng mga buto. Ang isang tao na nasa hustong edad ay tinatayang mayroong 25 na gramo ng magnesium sa katawan.

Ang mineral na ito ay natural na nakukuha sa maraming pagkain gaya ng mga madadahong gulay, mga mani, ilang mga prutas, at maging sa tsokolate.

Gaano karaming Magnesium ang kinakailangan ng katawan araw-araw?

Ang itinakdang dami ng magnesium na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong malusog at nasa hustong edad ay 400 mg. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.

Anong maaaring mangyari kung sumobra sa Magnesium?

Ang pagsobra sa magnesium mula sa mga pagkain ay bibihira at hindi naman malaking banta sa kalusugan lalo na sa mga indibidwal na may malusog na pangangatawan sapagkat ang sobrang mineral ay madali namang nailalabas sa pag-ihi. Ngunit maaari pa ring dumanas ng kasobrahan sa mineral na ito lalo na kung umiinom ng supplements o gamot na pandagdag magnesium na maaari namang magdulot ng pagtatae na may kasama pang pagliliyo at pananakit ng sikmura. Kaya naman ang karagdagang magnesium sa katawan mula sa mga gamot at supplement ay nililimitahan hanggang 350 mg lamang.

Anong maaaring mangyari kung magkulang sa Magnesium?

Ang kakulangan naman sa mineral na magnesium ay maaaring humantong sa pagkapasma ng mga kalamnan, pagkakaroon ng mga karamdaman sa puso, diabetes, altapresyon, pagkabalisa, matinding pananakit ng ulo, at osteoporosis.

10 Pagkain na mayaman sa Magnesium

1. Malunggay

Ang dahon ng malunggay na killang kilala ng mga Pilipino ay siksik sa sustansya kabilang na ang mineral na magnesium. Tinatayang aabot sa 147 mg ng magnesium ang maaaring makuha sa bawat 100 gramo ng dahon nito.

Image Source: steemit.com

2. Kanin

Ang kanin na karaniwan ding nakikita sa hapag ng mga Pilipino ay may mataas na lebel ng mineral na magnesium. Umaabot sa 922 mg ng magnesium ang makukuha sa isang tasa ng kanin.

3. Buto ng kalabasa

Ang kalahating tasa naman ng butong kalabasa ay maaaring makuhanan ng hanggang 606 mg ng mineral na magnesium.

4. Kasoy

Makukuhanan din ng magnesium ang kasoy na tinatayang aabot sa 176 mg sa bawat kalahating tasa nito.

5. Tuna

Ang isdang tuna naman ay maaaring makuhanan ng hanggang 56 mg ng magnesium sa bawat 3 oz o 85 na gramo ng karne nito.

6. Abukado

Ang isang buong prutas na abukado ay naglalaman ng hanggang 58 mg ng mineral na magnesium.

7. Saging

Hanggang 32 mg ng mineral na magnesium ang maaari namang makuha sa isang saging na may katamtamang laki.

8. Pasas

Ang pasas, o pinatuyong ubas, ay makukuhan din ng magnesium. Umaabot sa 28 mg ng mineral na magnesium ang maaaring makuha sa kalahating tasa nito.

Image Source: en.wikipedia.org

9. Tsokolate

Ang isang tasa ng dark chocolate ay may taglay na hanggang 432 mg ng mineral na magnesium.

10. Kape

Ang isang tasa rin ng kape ay maaaring makuhanan ng hanggang 7 mg ng magnesium sa isang tasa nito.

Image Source: unsplash.com