Manganese

Ang manganese, bagaman kakaunti lamang ang pangangailangan dito, ay isa rin sa mga mahahalagang mineral na kailangan ng katawan upang mabuhay. May ilang mahahalagang papel itong ginagampanan sa kemikal na proseso ng mga enzymes, paggaling ng mga sugat, pagsipsip ng katawan sa iba pang mga sustanysa, at sa pagbuo ng mga buto sa katawan. Mahalaga rin ito sa pagkakaroon ng malusog na balat, gayun din sa pagkontrol ng lebel ng asukal sa dugo.

Ayon naman sa ilang mga pag-aaral, ang mineral na manganese ay tumutulong din sa pagpapalakas ng mahinang buto, pagbibigay ng proteksyon laban sa mga free radicals, pag-iwas sa sakit na anemia, rayuma, panginginig ng laman dahil sa epilepsy, at ang pagkapanot ng buhok.

Gaano karaming Manganese ang kinakailangan ng katawan araw-araw?

Ang itinakdang dami ng manganese na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong malusog at nasa hustong edad ay 2.3 mg. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kasarian at mga kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.

Anong maaaring mangyari kung sumobra sa Manganese?

Itinakda hanggang 11 mg lamang ng mineral na manganese ang maaaring tanggapin ng katawan sa bawat araw. Ang anumang pagsobra dito, bagaman bibihira, ay maaaring magdulot ng pagkalason na makaaapekto sa nervous system ng katawan.

Anong maaaring mangyari kung magkulang sa Manganese?

Ang kakulangan sa manganese ay isa ring bibihirang kaganapan. Ngunit kung mangyari man, maaari itong makaapekto sa kalusugan ng buto, pagkakaranas ng pananakit sa mga kasukasuan, at maging sa kakayanan na makabuo ng anak.

10 Pagkain na mayaman sa Manganese

1. Tahong

Ang mga seafood gaya ng tahong ay may mataas na lebel ng mineral na manganese. Hanggang 6.8 mg ng mineral na ito ang maaaring makuha sa 100 gramo ng tahong.

Image Source: en.wikipedia.org

2. Sesame seeds

Sa 1 oz (28 g) ng linga o sesame seeds, maaaring makakuha ng 0.7 mg ng mineral na manganese.

Image Source: www.britannica.com

3. Kasoy

Hanggang 0.46 ng manganese ang maaaring makuha sa bawat 1 oz (28 g) ng kasoy.

Image Source: arbiemazingspot.blogspot.com

4. Tinapay

Ang bawat hiwa ng tinapay na tasty ay maaaring may taglay na 0.7 mg na manganese.

5. Tokwa

Kilala ang tokwa bilang produktong nagmumula sa buto ng soy, at ito ay makukuhanan din ng mineral na manganese. Ang kalahating tasa ng tokwa ay maaaring magbigay ng hanggang 1.5 mg ng mahalagang mineral.

Image Source: www.hungryhuy.com

6. Bawang

Ang bawat piraso ng clove ng bawang na may katamtamang laki ay maaaring makapagbigay ng hanggang 0.2 mg ng manganese.

7. Tanglad

Kilala ang tanglad bilang pampabango sa mga pagkain at pantanggal sa lansa ng mga karne at isda. Ang isang kutsara ng pinatuyo at dinurog na tanglad ay makukuhanan ng hanggang 0.3 mg ng manganese.

8. Okra

Ang kalahating tasa ng hiniwa-hiwang gulay na okra ay mayroong 0.78 mg ng mineral na manganese.

9. Kanin

Ang bawat tasa ng nilutong kanin ay maaaring makuhanan ng hanggang 16.8 mg ng manganese.

10. Tsokolate

Ang isang kutsara naman ng pinulbos na tsokolate ay may taglay na hanggang 0.2 mg ng mangansese.