Ang phosphorus ay isang mahalagang mineral na kinakailangan ng katawan upang mabuhay. Ito ang bumubuo sa 1% ng kabuuang timbang ng isang tao. Makikita ito sa bawat cell ng katawan ngunit ang karamihan ay matatagpuan sa mga buto ng katawan.
Ito ay responsable sa ilang mga paggana sa katawan particular sa pabuo at pagpapatibay ng mga buto at ngipin, at pagreregulisa ng calcium sa mga ito. Ang maayos na paggana ng mga cells at pagbuo ng mga ATP na pingmumulan ng enerhiya ng katawan ay tinutulungan din ng phosphorus. Bukod pa mga ito, may papel din ang phosphorus sa maayos na paggana ng bato, mga kalamnan, regular na tibok ng puso, at sa pagpapadala ng mga signal sa pagitan ng mga nerve cell sa katawan.
Gaano karaming Phosphorus ang kinakailangan ng katawan araw-araw?
Ang itinakdang dami ng phosphorus na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong malusog at nasa hustong edad ay 1000 mg. Ngunit ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kasarian at mga kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.
Anong maaaring mangyari kung sumobra sa Phosphorus?
Ang pagsobra ng phosphorus sa katawan ay maaaring makaapekto sa pagreregulisa ng calcium. Dahil sa kondisyong ito, ang calcium ay maaaring mapunta sa dugo imbes na pumasok sa mga buto. Ang sobrang calcium naman sa dugo ay maaaring magdulot ng pagbabara sa ilang mga organ sa katawan at maging sa ugat na daluyan ng dugo. Hanggang 4000 mg ng phosphorus lamang ang maaaring tanggapin ng isang tao.
Anong maaaring mangyari kung magkulang sa Phosphorus?
Ang phosphorus ay karaniwang nakikita sa maraming pagkain kung kaya ang kondisyon ng kakulangan nito ay bibihira lang. Ngunit kung sakaling magkulang nga sa mineral na phosphorus, maaaring mawalan ng gana sa pagkain, dumanas ng anemia, at problema sa pagbuo ng mga buto (rickets).
10 Pagkain na mayaman sa Phosphorus
1. Butong pakwan
Ang butong pakwan ay karaniwan kinakain ng mga Pilipino sa pagpapalipas ng oras. Ang isang tasa ito ay may halos 970 mg ng phosphorus.

2. Keso
Ang mga produktong yari sa gatas gaya ng keso at mga yogurt ay mayroon ding phosphorus. Ang 100 g ng keso ay tinatayang makukuhanan ng 760 mg ng phosophorus.

3. Isdang salmon
Ang 100 g naman ng laman ng karne ng isdang salmon ay makukuhanan ng phosphorus na tinatayang aabot sa 371 mg.
4. Isdang tuna
Ang lamang ng tuna ay maaaring may taglay naman na 330 mg ng mineral na phosphorus.
5. Tahong
Ang 3 oz (85 g) ng tahong ay may taglay na 240 mg ng phosphorus.

6. Alimango
Taglay din ng alimango ang kaparehong dami ng phosphosus sa tahong. Mayroon ding 240 mg ng mahalagang mineral sa 85 g ng laman nito.

7. Kasoy
Ang 100 gramo ng tinustang kasoy ay maaaring makuhanan ng hanggang 490 mg ng phosphorus.

8. Karne ng baboy
Ang isang hiwa ng pork chop ay maaaring makuhanan ng hanggang 550 mg ng mineral na phosphorus.
9. Karne ng baka
Mayroon namang 286 mg ng mineral na phosphorus sa purong karne ng baka.
10. Tokwa
Hanggang 287 mg ng phosphorus ang maaaring makuha sa tokwa na isang produktong yari sa buto ng soya.
