Potassium

Ang potassium (K) ay isang napakahalagang mineral na kailangan ng bawat nilalang para mabuhay. Kung wala ang potassium, impossible ang mabuhay. Mahalaga ito sa maayos na komumikasyon sa pagitan ng mga cells at mga kalamnan. Malaki rin ang papel ng potassium sa pagpapasok ng mahahalagang sustansya sa bawat cells at sa paggana nang maayos ng ilang organs gaya ng puso, bato, at iba pa. Tumutulong din ito sa pagmementena ng mga tubig at pagpapanatiling balanse ng mga mineral at electrolytes sa katawan.

Gaano karaming Potassium ang kailangan ng katawan sa araw-araw?

Ang itinakdang dami ng potassium na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong nasa hustong edad ay 3.5 gramo. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.

Ano ang maaaring mangyari kung sumobra sa Potassium?

Ang pagsobra sa mineral na potassium ay bibihirang kaso, at kadalasang nararansan lamang mga taong may karamdaman o sumasailalim sa dialysis. Ngunit kung sakaling mapa-sobra sa potassium, maaaring makaranas ng pagsusuka, pagliliyo, o kaya ay cardiac arrest dahil sa iregular na pagtibok ng puso. Sa ngayon ay walang nakatakdang limitasyon sa pagtanggap ng potassium sa katawan sapagkat madali namang nailalabas ang sobrang potassium sa pag-ihi.

Ano ang epekto sa katawan kung kulang ang Potassium?

Ang kakulangan ng Potassium sa katawan ay maaaring magdulot ng ilang masamang epekto. Maaari itong magdulot ng panghihina sa mga kalamnan, iregular na tibok ng puso, pagsusuka at pagliliyo, at altapresyon. Kinakailangan ang agarang atensyong medikal sa mga taong mababa ang potassium sa katawan.

10 Pagkain na Mayaman sa Potassium

Ang saging ang pinakakilalang pagkain na mapagkukunan ng potassium, ngunit bukod dito, may ilan pang pagkain ang may higit na mataas na lebel na potassium.

1. White Beans

Ang bawat 100 gramo ng mga beans ay may taglay na 561 mg ng potassium. Ito ay pupuno sa 16% ng pang-araw-araw na pangangailangan ng katawan sa Potassium.

2. Spinach

Ang mga berde at madahong gulay tulad ng spinach ay mayamang mapagkukunan ng potassium. Umaaabot sa 558 mg ng potassium ang maaaring makuha sa 100 gramo ng gulay na ito.

3. Patatas

Ang patatas na pinakuluan na may kasamang balat ay may mataas din na lebel ng potassium. Tinatayang aabot sa 535 mg ng potassium sa bawat 100 gramo ng patatas.

4. Kalabasa

Ang kalabasa na kilalang mayaman sa Vitamin A, ay may taglay din na potassium. Umaaabot sa 437 mg ng potassium ang bawat 100 gramo ng gulay na ito.

Image Source: buklat.blogspot.com

5. Yogurt

Ang 100 gramo ng yogurt na walang halo ay maaaring makuhanan ng 255 mg ng potassium.

6. Salmon

Ang salmon na isa ring kilalang isda ay mayaman din sa mineral na potassium. Aabot sa 628 mg na potassium ang makukuha sa 100 gramo ng karne ng isdang ito.

7. Abukado

Ang kalahating tasa ng dinurog na laman ng abukado ay maaaring mapagkunan ng 558 mg ng potassium.

8. Kabute

Mayroon naman 428 mg ng potassium sa isang tasa ng kabute na nakahiwa na.

9. Saging

Ang isang saging na may katamtamang laki ay mapagkukunan ng hanggang 422 mg ng potassium. Katumbas ito ng 12% ng potassium na kailangan sa araw-araw.

10. Pinatuyong kamatis

Ang potassium sa 100 gramo ng kamatis na pinatuyo sa araw ay tinatayang aabot sa 3,427 mg o halos katumbas ng kabuuang pangangailangan sa potassium ng katawan.