Sodium

Ang sodium ay isa sa mga mahahalagang mineral na kailangan ng tao upang mabuhay. Malaki ang papel ng mineral na ito sa maayos na paggana ng katawan. Ito ang responsable sa pagreregulisa ng maayos na presyon ng dugo at pagmementena ng dami nito. Tumutulong din ito sa pagpapabuti ng pagpapadala ng signals sa pagitan ng mga nerves at mga kalamnan.

Natural na nakukuha ang sodium sa maraming pagkain, ngunit ang pinakakaraniwang pinagmumulan nito ay ang asin. Karaniwan din itong makukuha sa maraming mga pampalasa, mga delata, mga prinosesong pagkaan at mga pagkaing instant.

Gaano karaming Sodium ang kinakailangan ng katawan araw-araw?

Ang itinakdang dami ng sodium na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong malusog at nasa hustong edad ay 2,300 mg. Ngunit para sa mga taong may sakit na altapresyon, ang edad ay 51 na taong gulang o mas matanda pa, may iba pang kondisyon gaya ng diabetes at karamdaman sa bato, ang sodium ay nililimitahan hanggang 1,500 mg lamang o 3/4 na kutsara ng asin kada araw.

Anong maaaring mangyari kung sumobra sa Sodium?

Dapat alalahanin na ang itinakdang dami ng sodium na dapat tanggapin ng katawan sa araw-araw ang siya ring limitasyon ng sodium na maaaring tanggapin ng katawan. Ang anumang pagsobra sa limitasyong ito ay maaaring magdulot ng masamang epekto. Ang mga kondisyon na kadikit ng sobrang pagkonsumo ng sodium ay altapresyon, atake sa puso, stroke, at sakit sa bato.

Anong maaaring mangyari kung magkulang sa Sodium?

Ang kondisyon ng kakulangan sa sodium ay bibihirang mangyari. Nagaganap lamang ito sa mga taong dumaranas ng pagsusuka at pagtatae, mga taong umiinom ng sobrang tubig, at sa mga taong nagpapalipas ng gutom at sa halip ay umiinom na lamang ng tubig. Ang kakulangang ito ay maaaring magresulta sa pangangasim o pananakit ng sikmura, at pagkakadanas ng problema sa memorya at maayos na paggana ng pag-iisip. Maaaring ito rin ay humantong sa pagbagsak ng lebel ng sodium sa dugo o hyponatremia.

10 Pagkain na mayaman sa Sodium

1. Asin

Ang asin ang pangunahing pinagmumulan ng sodium sa mga kinakain ng tao. Ang isang kutsarita nito ay pinagmumulan ng 2,325 mg ng sodium o halos katumbas ng kabuuang pangangailangan ng katawan sa sodium sa araw-araw

2. Baking soda

Ang baking soda ay ginagamit sa ilang pamamaraan ng pagluluto lalo na sa mga tinapay. Ang isang kutsarita nito ay makapagbibigay ng 1,368 mg ng sodium.

3. Toyo

Ang toyo na karaniwang nakikita sa kusina at hapag ng bawat tahanan ay may mataas din na lebel ng sodium. Ang isang kutsara nito ay mayroong 1,228 mg ng sodium.

4. Patis

Mayroon namang 1,416 mg ng sodium sa isang kutsara ng patis, isa ring pampalasa na karaniwan sa bawat tahanan.

Image Source: businessdiary.com.ph

5. Bacon

Ang bacon ay nakukuha sa prinosesong karne ng baboy. Ang isang hiwa nito ay may taglay na 175 mg ng sodium.

6. Keso

Ang keso naman ay maaaring magtaglay ng hanggang 500 mg ng sodium sa bawat 28 gramo o 1 oz ng keso.

Image Source: www.thejakartapost.com

7. Prineserbang pipino (pickles)

Ang nakapreserbang pipino o pickles na madalas ihinahalo sa ilang mga putahe ay maaaring makuhanan ng hanggang 1,872 mg ng sodium sa bawat isang tasa nito.

8. Instant noodles

Ang isang pakete ng instant noodles ay may taglay naman na 757 mg ng sodium.

Image Source: www.bangkokpost.com

9. Buto ng kalabasa

Mayroon namang 1,626 mg ng sodium sa isang tasa ng paboritong papakin na buto ng kalabasa.

10. French fries

Ang regular na serving ng french fries sa mga fastfood ay tinatayang makukuhanan ng hanggang 1,008 mg ng sodium.